SINIBAK ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa puwesto ang hepe ng Food and Drug Administration (FDA) dahil umano sa corruption. Sa pahayag ng Malacañang, patuloy na pupurgahin ng Pangulo ang burukrasya ng “misfits at grafters” para malinis ang gobyerno sa anumang uri ng katiwalian at kabulukan.
Sa news report noong Biyernes, ang dinismis sa puwesto ni PRRD ay si FDA Director General Nela Charade Puno. Sa maikling pahayag ni presidential spokesman Savador Panelo, ganito ang pahayag niya sa English: “Please be advised that upon the instructions of the President, your appointment as Director General of the Food and Drug Authority, Department of Health, is hereby terminated.” Ang isang-pahinang dismissal order ay pirmado ni Executive Sec. Salvador Medialdea.
Hindi nabanggit ni Panelo sa report kung ano ang mga dahilan o detalye sa pagsibak kay Puno maliban sa pagsasabing nawalan nang tiwala ang Pangulo sa kanya sanhi ng corruption issues. Inatasan ng Malacañang si Puno na i-turn over ang lahat ng relevant officials documents sa DoH Office of the Undersecretary for Health Regulation.
Nanawagan si Vice Pres. Leni Robredo sa mga supporters kasunod ng pagkatalo ng mga kandidato ng Otso Diretso na ipagpatuloy ang pagsisilbi sa mga mamamayan at iwasan ang name-calling at pagsasalita ng hindi karapat-dapat.
Ayon kay VP Leni, marami ang nadismaya at nalungkot sa pagkatalo ng mga kandidato ng oposisyon o ng Otso Diretso. “We have worked hard and fought against all odds for our motherland, and in the face of all that sacrifice and effort, the results of the elections and the numbers we are seeing so far are not easy to accept.” Hindi naman daw ito ang wakas ng pagsisikap at pakikipagtungguli ng oposisyon.
Pinauuwi ng Pilipinas ang ambassador nito sa Canada matapos mabigo ang Canada na tuparin ang pangakong kukunin ang mga basura na itinambak sa bansa hanggang nitong Mayo 15. Inihayag ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin ang pag-recall kay Ambassador Petronila Garcia at ang mga consul hanggang hindi tumutupad ang Canadian government na ibalik sa kanilang bansa ang tone-toneladong basura na itinambak nang ilegal sa bansa.
Sana ay ganito rin daw ang gawin ng Malacañang sa China, na patuloy sa pag-okupa sa mga shoal at reef na saklaw ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. Kung si PRRD raw ay nakikipagkagalit sa Canada dahil lang sa basura, dapat na isipin na libu-libong Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho roon. Eh, bakit hindi gawin ang katulad ng pag-recall ng ating ambassador sa China. Iyan ang hindi natin maintidihan nang ganap at maunawaan.
-Bert de Guzman