Pinaghahandaan na ng Commission on Elections, na tumatayong National Board of Canvassers, ang posibilidad na maiproklama na bukas ang 12 nanalong senador at mga party-list groups.

THIS IS IT! Tinanggap ng mga election officers ang election returns mula sa Davao City at Compostella Valley sa Mindanao, sa National Board of Canvassers sa PICC sa Pasay City, ngayong Lunes ng umaga. (MARK BALMORES)

THIS IS IT! Tinanggap ng mga election officers ang election returns mula sa Davao City at Compostella Valley sa Mindanao, sa National Board of Canvassers sa PICC sa Pasay City, ngayong Lunes ng umaga. (MARK BALMORES)

Sa pulong balitaan ngayong Lunes ng umaga sa canvassing center sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na kung matatapos ang canvassing sa natitira pang Certificates of Canvass (COC) ngayong gabi, tiyak nang maisasagawa ang proklamasyon bukas.

Sa kasalukuyan, aniya, ay kabuuang 1,050,680 boto mula sa limang COCs na lamang ang hinihintay at hindi pa naka-canvass ng NBOC.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Kabilang, aniya, rito ang mula sa Isabela, na inaasahang maita-transmit na kagabi, matapos ang isinasagawang special elections sa bayan ng Jones doon.

Hindi pa rin natatapos ngunit inaasahang maika-canvass na rin ngayong Lunes ang mga COCs mula sa Japan, Saudi Arabia, Washington DC sa Amerika, at Abuja sa Nigeria.

“With 1,050,681 votes from Isabela province expected tonight, I think at this point, it's a pretty sure bet that we're going to have the proclamation tomorrow (Martes),” sinabi kanina ni Jimenez.

Sakali namang matuloy ang proklamasyon, una umanong ipoproklama ng Comelec ang mga winning party-list representatives sa umaga, habang sa gabi naman ang 12 senador.

Paliwanag ni Jimenez, kinakailangan ng Comelec ng mahaba-habang intermission sa pagitan ng dalawang proklamasyon upang maisaayos ang venue kung saan ito isasagawa.

Ngayong gabi ay sisimulan na nila ang preparasyon para sa proklamasyon, ayon kay Jimenez, at kabilang sa pinaghahandaan nila ang posibleng pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Jimenez, maaari kasing dumalo rin sa proklamasyon ang Pangulo, na matatandaang nagtungo rin sa Comelec main office nang maghain ng Certificate of Candidacy (COC) ang sinusuportahan niyang si dating Special Assistant to the President (SAP) Bong Go noong Oktubre, 2018.

“We don't know for sure but because he (Duterte) did come to the filing of COCs, that is something we're preparing for as well. Naghahanda tayo,” ani Jimenez. “We're not just preparing for his arrival security-wise, but we're also preparing a space for him and his entourage on the floor for tomorrow.”

Nabatid na hanggang 7:00 ng gabi ngayong Lunes ay tinatayang 162 na sa kabuuang 167 COCs ang natapos na i-canvass ng NBOC, kung saan nasa Magic 12 pa rin sina Cynthia Villar, Grace Poe, Bong Go, Pia Cayetano, Ronaldo dela Rosa, Sonny Angara, Lito Lapid, Imee Marcos, Francis Tolentino, Koko Pimentel, Bong Revilla Jr., at Nancy Binay.

Ayon kay Jimenez, crucial pa rin ang mga hindi pa nabibilang na boto sa ngayon dahil batay sa partial at official tally ng NBOC ay mahigit isang milyon pa ito, at kakaunti lang ang diperensiya ng mga boto ng mga kandidatong nasa huling tatlong puwesto sa Magic 12, kabilang sina Pimentel, na may 14,395,957 boto; Revilla, na may 14,279,625 boto; at Binay, na may 14,065,071 boto.

Patuloy pa ring humahabol at may posibilidad pang makapasok sa Magic 12 sina JV Ejercito, na may botong 13,983,153 at nasa pang-13 puwesto; at Bam Aquino, na nakakuha ng 13,895,154 na boto.

-Mary Ann Santiago