AYAW magpaawat ng swimming sensation ng Pilipinas na si Micaela Jasmin Mojdeh kung saan muli naman itong nanalasa sa paghakot ng ginto at pagsira ng rekord sa kanyang pagdayo sa Canada.

Muling sumisid ng tatlong ginto at sumikwat ng dalawang record ang 12-anyos na si Mojdeh ng Philippine Swimming League (PSL) sa kanyang pagsabak sa mga events na 200m IM, 100m Fly, at 200m Breast event sa girls 12-under ng 2019 Ralph Hicken International Swimming Championship, na nagaganap ngayon sa Markham Pan An Center sa Ontario, Canada.

Tumapos si Mojdeh ng 2:50.23 sa orasan sa kanyang pagsabak sa 200m Breaststroke na sinundan ng kanyang 1:04.74 sa 100m Fly event, at 2:31.35 naman sa 200m IM.

Dinaig ni Mojdeh ang dating record na 1:15.01 sa 100m Fly, at 2.48.74 sa 200m IM kung saan nakasungkit na siya ng anim na ginto sa kabuuan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Sobrang proud po ako sa kanya, kaming lahat kasi talagang nakuha niya yung target niya na makapag break ng record,” pahayag ng ina ni Mojdeh na si Joan.

Nauna rito, nagtala rin ng record ang pambato ng Immaculate of Mary Parañaque na si Mojdeh sa kanyang unang araw ng pagsabak sa nasabing kompetisyon, at siniguro ang tatlong gintong medalya sa events na 50 Meter Breast girls 12-under, 50Meter Fly girls 12-under at 400 meter Individual Medley girls 11-12.

Tatlong events ang nag-aabang para sa pambato ng PSL na si Mojdeh upang makumpleto ang siyam na events na kanyang sasabakan, kabilang dito ang 200 fly, 100 breast at 100 Free, na magaganap kagabi (Linggo ng umaga sa Canada).

“Nagpapasalamat po kaming lahat sa suportang binibigay ninyo po kay Jas. Maraming salamat po, at siyempre po kay coach Susan Papa at sa PSL marami pong salamat,” ayon kay Gng. Mojdeh.

Humakot din ng ginto kamakailan si Mojdeh sa ginanap na 2019 Palarong Pambansa sa Davao City kung saan ay unng beses siyang sumabak sa secondary level.

-ANNIE ABAD