MALAKI ang sampalataya ko sa makabagong sistema na ginamit ng Commission on Elections (Comelec) upang mapabilis ang bilangan sa katatapos lamang na halalan dito sa ating bansa, lalung-lalo na sa lokal na pamahalaan na ilang oras lamang matapos na magsara ang mga presinto ay alam na agad kung sino sa mga kandidato ang panalo.
‘Yun lang, naunsiyami ang paghanga ko sa Comelec at nasingitan ng malaking pag-aalinlangan nang marinig ko na halos pitong oras na hindi gumalaw ang naumpisahang bilangan, na dapat sana’y live streaming ang dating upang ‘di paghinalaan na may nagaganap na “lutuan sa bilangan” ng boto ng mga kandidato.
Napantot umano ang mga kinatawan ng media, watchdog groups at mga partido sa kahihintay ng resulta mula sa transparency server nang biglang tumigil ang daloy ng resulta ng bilangan at walang maibigay na dahilan kundi isa lamang umano itong “technical glitch”, na naayos din naman agad ng mga eksperto ng Comelec.
Eh, bakit nga ba ‘di sasabihin ng mga nakaiintindi sa takbo, na tinatawag nating Information Technologist (IT), na posibleng nagkaroon ng dayaan sa loob ng pitong oras, gayung nang magsimula ang resulta bilangan, halos patapos na ito at lamang na ng milya-milya ang mga manok ng administrasyon!
Sabi nga ng isang eksperto sa IT, na kumalat sa social media: “Let us not be fooled. The delay in transmitting results for several hours was not a technical glitch. The interface programs were put to work. What happened was digital dagdag bawas using an intermediate program between the transparency server and the servers of the election watchdogs and media. Madali lang po gawin yun. But you need to wait for the true results before you can do the digital dagdag bawas. That’s what they did. They waited first for the true results before they manipulated the numbers that will be transmitted. That is why there was no transmission for several hours except for a couple of hundred thousand votes from Northern Luzon.”
Lumilitaw na ang hinala ng DAYAAN ay umusbong lamang nang pagsama-samahin ang milyong boto para sa mga tumatakbong senador mula sa iba’t ibang panig ng bansa, at ipunin ang resulta sa headquarters ng Comelec sa Philippine International Convention Center (PICC), na dapat sana’y may kasabay na kopya naman ng mga resulta papunta sa transparency server ng Comelec sa Pope Pius Catholic Center sa Paco, Maynila.
Sabi ng isang beteranong reporter na naghintay ng resulta: “Para kaming nanonood ng live na sabong sa TV, na sa umpisa pa lamang ng salpukan ay biglang nag blangko ang screen, at nang muling bumalik ang signal ay patay na ‘yung dehadong manok!”
Wala namang naging problema sa resulta ng mga lokal na kandidato. Mabilis ang bilangan ng boto para sa mga ito kaya maraming naiproklama agad ilang oras matapos ang halalan.
May ilang incumbent na kandidato ang nagsasabing nadaya sila, marahil dahil sa laki ng gastos sa pagbili nila ng boto sa mga tao, umaasa sila ng siguradong panalo. Totoong nadaya nga ang mga pulitikong ito – nadaya sila ng mga tao dahil tinanggap ang pera nila ngunit ‘yung mga karapat-dapat ang ibinoto ng mga ito!
‘Wag sanang maliitin ng Comelec ang problemang ito – may dapat silang ipaliwanag at kailangan nila itong gawin agad-agad upang mabura sa isipan ng mga tao ang kawalan ng tiwala sa bagong teknolohiya na gamit sa eleksiyon, na pinondohan ng bilyong piso mula sa buwis ng mamamayang Pilipino.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.