“BAGO pa man ang halalan, ginamit na ni Ginoong Duterte ang kanyang opisina at kaban ng bayan para itaguyod ang kandidatura ng kanyang mga kandidato at siraan ang oposisyon. Nilabag ng militar ang kanilang tungkulin na maging patas. Nilagyan nila ng tag na pulahan ang oposisyon. Nagkandasira-sira ang mga vote counting machine at pitong oras na hindi naglabas ng resulta ng halalan. Ang buod ng halalang ginamitan ng makina ay bilis at hayag na wala ito sa pinakamahalagang araw. Kung tapat at marangal ang naging halalan, walang problema kung matalo. Pero, ang gamitin mo ang posisyon sa gobyerno para kontrolin ang halalan, hindi ito parehas,” wika ni Neri Colmenares, kandidato sa pagka-senador ng Makabayan Bloc, sa kanyang talumpati sa tapat ng Philippine International Convention Center (PICC) kung saan ginawa ng Comelec ang bilangan ng mga boto.
Sa totoo lang, sinira ni Pangulong Duterte ang kanyang pangako na anumang halalang mangyayari sa kanyang panahon ay maging malinis at tapat. Inulit niya ang ginawa ni dating Pangulong Marcos nang tumakbo ito para sa ikalawang termino bago niya idineklara ang martial law. Noong panahong iyon, walang reeleksyonistang pangulo na nananalo. Sa hangaring sirain ito at upang magwagi sa kanyang reeleksiyon, lahat ng mga napakaruming paraan ay ginawa niya. Tulad ni Pangulong Duterte, ginamit ni dating Pangulong Marcos ang posisyon at salapi ng bayan. Nagwagi siya, pero dahil binaligtad niya ang kaban ng bayan para sa kanyang kandidatura, nagkagutom-gutom ang sambayanan. Lumubha ang kahirapan dahil hindi na makaagwanta ang gobyerno sa kanilang mga pangangailangan. Hindi pinatahimik ang adminstrasyong Marcos ng walang paknat na mga rally ng mga mag-aaral, kabataan, propesyunal, magsasaka at manggagawa. Ginamit niya ang gobyerno laban sa mga ito at idineklara niya ang martial law pagkatapos gumawa ng mga batayan katulad ng pambobomba sa mataong lugar at ang huli, ang pananambang umano kay dating Sen. Enrile.
Paulit-ulit na sinabi ni Pangulong Duterte na kapag naganap na ang federal form of government, kusa siyang bababa kahit hindi pa tapos ang kanyang termino. Iyong lilisanin niya ang kanyang posisyon, fake news ito. Pero, hindi fake news ang gusto niyang mangyari na maging pederal ang sistema ng gobyerno. Ito kasi at ang nakabimbing panukala na baguhin ang Saligang Batas sa Kongreso ay mga paraan para malalagi siyang tuluyan sa puwesto. Ito ang nakataya sa ginawa niyang aktibong pangangampanya para sa mga inendorso niyang kandidatong inaasahan niya na sa pagdami ng kanyang kapanalig sa Kongreso, sa kamara at senado, magaganap ang kanyang minimithi.
Ric Valmonte