NANG lumahok si Manila mayoralty candidate Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa Manila Bulletin “Hot seat” roundtable discussion bago ang halalan, ibinida niya ang maraming plano na balak niyang ipatupad sa Maynila kapag siya ay nahalal.
Sinabi niyang napag-iwanan na ang Maynila ng iba pang mga lungsod sa Metro Manila sa maraming bagay, lalo na sa usapin ng negosyo at industriya. Kung dati’y nangunguna ang Escolta sa mga komersyal na lugar sa bansa, matagal na itong natabunan matapos ang maraming dekada ng Makati business district, Ortigas sa Pasig, Bonifacio Global City sa Taguig, at ang mga tinambakang lugar sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa Pasay at Paranaque.
Kung mahahalal, aniya, pagtutuunan niya ng pansin ang Binondo, isang lubusang napabayaang lugar sa hilaga ng Ilog Pasig; ang mapunong bahagi ng Arroceros na sinasabing ang “Manila’s remaining lung”; sa Roxas Blvd., kung saan niya balak pataasan ang lugar para sa mga pedestrian at nagbibisikleta katabi ang mga open-air cafes at mga restawran; ang city vertical housing para sa mga informal settlers; at ang mas malinis, at walang basurang Maynila.
Ngayon na siya ang nagwagi bilang Alkalde ng Maynila, inaasahan natin ang mga pagbabagong ito, mga planong, aniya, ay hiram ng malaki sa programang pangkaunlaran ng Singapore. Maraming problema ang kakailanganin niyang harapin upang makahabol sa pag-unlad ng karamihan ng mga lungsod ng Metro Manila.
May malaking potensiyal ang Maynila na wala ang ibang lungsod—ang kasaysayan nito. Ito ang puso ng kolonyal na rehimen ng Espanyol sa loob ng higit tatlong siglo. Nariyan ang makasaysayang pader ng Intramuros. Dito namalagi ang ating pambansang bayaning si Jose Rizal sa kanyang huling gabi bago mabitay sa kalapit lamang na lugar ng Bagumbayan.
Nagapi ni American Admiral George Dewey ang grupo ng mga Espanyol sa digmaan sa Manila Bay noong 1898, na naging hudyat ng pagtatapos ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas at ang simula ng Amerika bilang isang ‘world power.’ Ang Manila bay rin na ito ang nasa mga balita na tinatayang may pinakamalalang polusyon sa tubig sa Pilipinas at ang tiyak na isa ito sa pinakamalaking pagsubok na haharapin ng bagong halal na Mayor.
Nagsilbing konsehal ng Tondo si Moreno sa loob ng tatlong termino mula noong 1998, na sinundan pa ng dalawang termino bilang vice mayor mula noong 2007. Ang mga taong ito ng kanyang paglilingkod ang nagbibigay sa kanya ng ideya sa problemang kinakaharap niya ngayon bilang mayor.
Sa panayam sa kanya sa Manila Bulletin’s roundtable discussion, inamin niyang dati siyang nagtrabahong tagakolekta ng basura noong siya ay nasa high school pa, dahilan upang ikabahala niya ang mga basura sa lungsod. Kaya naman ito ang una niyang gagawin kapag nanalo siya, ito ang “clean up Manila.” Aaabangan natin ang cleanup, at ang maraming programang kanyang naisip para sa lungsod.