TULAD ni Isko Moreno ng Maynila at ilan pang giant slayers nitong nakaraang election, brightest star sa Philippine politics ang status si Vico Sotto, first term councilor ng Pasig City na tumapos sa 27 taong pamamahala ng mga Eusebio.
Twenty nine (29) years old lang si Vico, kaya dalawang taon lang siya nang magsimulang manungkulan ang political clan na nakatunggali at tinalo niya.
Anak nina Vic Sotto at Coney Reyes, at kahit malayo ang mundo na gustong galawan ay batang showbiz pa rin si Vico. Lahat ng entertainment writers na nakapag-interbyu na sa kanya, humahanga sa maayos na pagpapalaki sa kanya ng mga magulang, considering na single mom si Coney.
Laman siya ngayon ng social media at ng mga pahayagan at marami ang nagsasabi na malayo ang mararating niya sa pulitika.
“Siguro magiging katulad siya ni (Canadian Prime Minister Justin) Trudeau,” komento ng isang kaibigan kong doktor.
“He has the makings of a president,” sabi sa akin ni Ogie Diaz.
Si Ogie ang nagyaya sa akin na interbyuhin si Vico noon pa man, pero nitong isang linggo bago nag-eleksiyon lang kami natuloy. Alam ng BALITA readers na bilib ako sa instinct ni Ogie pagdating sa pagkilatis sa tao, lalo na sa talent. Sa pribadong buhay, mahilig din siyang mag-scout ng public servant na puwede niyang tulungan.
Para kay Ogie, malaki ang pagbabagong matatamo kung mahuhusay at responsableng public servants ang susuportahan ng mga mamamayan.
“Na-curious ako kasi nag-file ng candidacy (para mayor), bumabangga sa pader, kaya ginest ko sa radio program ko,” sabi ni Ogie nang tanungin ko kahapon kung ano ang nakita niya sa young politician. “And namangha ako sa visions niya sa Pasig saka ramdam ko ‘yung kagustuhan niyang mabago ang Pasig kaya after the program, i told him, ‘Tutulungan kita’.”
Ngayon, curious ang lahat kung sino ang masuwerteng nagpapatibok sa puso ni Vico. Binalikan ko ang taped interview namin, dahil napag-usapan ang lovelife, at ito ang nakakatuwang sagot niya.
“Sabi ko kay Tito Ogie lahat puwedeng itanong, bawal lang akong tanungin tungkol sa lovelife,” aniya. “Bawal itanong ang tungkol sa lovelife, kasi wala.”
Workaholic si Vico.
“Sa ngayon wala ako. Hanapan n’yo na lang po ako. Masyado lang kasing focused sa trabaho, kaya hanapan n’yo na lang ako.
“Tingin ko kasi ito ang best time para mag-focus ako sa trabaho, eh. Walang distraction, walang naghahanap sa bahay. Walang nagsasabi ng ‘yung anak mo hinihintay ka na.”
Hindi pa ba siya hinahanapan ng mga apo ng mommy niya?
“May apo na naman siyang tatlo kay Kuya LA (Mumar, half-brother niya). ‘Yung sa akin mahihintay niya naman ‘yun, mga five years... hintayin niya.”
-DINDO M. BALARES