Nagsagawa ng prayer rally ang mga residente at tagasuporta ng mga natalong kandidato sa Marawi City, Lanao del Sur, kasunod ng pagkondena ng mga ito sa umano’y malawakang dayaan nitong halalan.
Aabot sa libo ang lumahok sa isinagawang protesta sa Macarambon Hall ng Jamiatu Muslim Mindanao School sa Barangay Matampay, Marawi, nitong Biyernes ng gabi.
Katwiran ng grupo, bukod sa dayaan, naitala rin umano nila ang mga insidente ng vote-buying sa Marawi at sa Lanao del Sur.
Karamihan sa mga raliyista ay may dala-dalang placards kung saan nakasulat ang kanilang reaksyon: "Vote buying doesn't help Marawi rise again, think about it", "Vote buying is the dirty work of Shaitan, a Satan!", "We have no good future with corrupt, cheater and selfish leader", “Massive cheating happened in LDS election 2019”, “Disqualify vote buyers”, at iba pa.
Kabilang sa lumantad sa nasabing pagtitipon ang kandidato sa pagkagobernador na si Guiling Mamondiong, na nagsabing dinaya siya matapos matuklasang wala siyang boto sa Bumbaran sa kabila ng pagboto sa kanya ng mga watcher nito.
Sa panig naman ni mayoralty candidate Ramayan Basman, ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP Laban) sa Marawi, matibay ang hawak niyang mga ebidensiya, sinumpaang salaysay ng mga watcher, at mga video ng naganap na pre-shading ng mga balota at vote-buying.
"Yung mga BEIs mismo nag she-shade o pini-pre-shade nila yung mga balota, tapos meron ding video na binibili ‘yung boto", pagbubunyag pa ni Basman.
Bonita L. Ermac