NAHULAAN nitong unang bahagi ng buwan ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ang national economic growth sa unang bahagi ng taon (Enero-Pebrero-Marso).
Bumaba ito sa 5.6 porsiyento sa nabanggit na unang tatlong buwan, ang pinakamababa sa loob ng apat na taon. Dapat ito ay 6.6%, kung naaprubahan sa tamang panahon ang national budget para sa 2019, aniya. Ngunit dahil sa pagkakaantala, ang lumang budget para sa 2018 ay ginamit sa loob ng tatlong buwan. Sa panahong ito, ang pondong nakalaan para sa 2019 ay hindi magagamit.
Kaya ang mga bagong tanggap na guro ay hindi mapasuweldo ng Department of Education (DepEd). Hindi masimulan ng Department of Interior and Local Government ang konstruksiyon ng mga bagong police stations at hindi makabili ng mga bagong gamit. Hindi rin masimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksiyon ng maraming proyekto na pinondohan sa ilalim ng 2019 budget.
Sa wakas ay ipinadala na ng Senado ang P3.7 trilyong 2019 budget sa Malacañang nitong Marso 26 at nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Abril 15, matapos na i-veto ang P95 milyong budget na pinaniniwalaang “pork barrel”. Ngunit, sinimulan ang midterm election period, na may karaniwang pagbabawal ng pampublikong proyekto.
Ayon kay Secretary of Finance Carlos Dominguez, sa nasabing panahon, ang pamahalaan ay hindi gumagastos ng mahigit P1 bilyon araw-araw. Ang kabuuang hindi nagastos ay P75 bilyon sa loob ng tatlong buwan.
Ang pagbulusok ng GDP sa 5.6% sa unang bahagi ay sumasalamin sa malaking epekto ng mapahalaan sa paglalabas ng pondo. Mas maganda kung ang gastos ng pribadong sektor ay mas malaking papel. Ngunit patungo na tayo roon, sa “Build, Build, Build” maitatayo ang maraming kalsada at tulay, paliparan at pantalan, at iba pang istruktura na kailangan sa komersiyo at industriya upang umunlad at lumawak.
Ngayong pirmado na ang 2019 national budget, dobleng pagsisikap ang kailangang gawin ng pamahalaan upang mapunan ang mga nawala sa unang tatlong buwan ng kasalukuyang taon. Kailangang gawin sa loob ng siyam na buwan ang mga plano para sa 12 buwan ng 2019.
Kumpiyansa tayo na maitatawid ng DPWH, sa ilalim ni Secretary Mark Villar, ang malaking pagsubok. Umaasa tayo na matatapos ng iba pang departamento at ahensiya ng gobyerno sa susunod na pitong buwan ang karaniwang natatapos sa 12 buwan.