“AKALA nila tayo ay takot. Akala nila walang lalaban. Akala nila walang maninindigan. Pero, tingnan ninyo, ilang milyong boto ang nakuha natin? Anim na milyon ang nanindigan,” wika ni Chel Diokno, isa sa mga kandidato ng oposisyong Otso Diretso. Bagamat ika-21 siya sa huling bilangan ng Comelec, ang botong nakuha niya ay 6.2 milyon, sinabi niyang hindi siya nasiraan ng loob sa naging resulta ng halalan. “Hindi ito mahalaga sa akin. Mula’t sapul ay sinabi ko na sa inyo ito. Ang mahalaga ay ang liwanag na ipinakita natin sa kadiliman,” dagdag pa niya.
Sariwa pa rin sa aking alaala ang nangyaring unang halalan sa ilalim ng martial law ni dating Pangulong Marcos. Walang itong ipinag-iba sa katatapos na halalan. Lahat ng paraan para magwagi siya at ang kanyang mga kandidato sa ilalim ng bagong partidong Kilusan ng Bagong Lipunan (KBL) ay ginawa niya. Ang wala lang sa nakaraang halalan ay ang block voting. Ang boto sa KBL ay bilang sa lahat, samantalang sa kanilang kalaban, sarili nila ang kani-kanilang boto katulad ng sistema ng botohan ngayon. Sa kabila na walang kalaban-laban ang sinumang kumontra sa ticket ng KBL, nagtatag ng partidong Lakas ng Bayan (LABAN), ang oposisyon na pinangunahan ni dating Sen. Ninoy Aquino. Ikinampanya ng taumbayan ang LABAN kahit nakakulong si Ninoy. Sa kondisyon noon, tulad ng kondisyon ngayon, walang pag-asang manalo ang oposisyon. Ang kabutihan lang noon, may mga banyagang media na nag-uulat at nakapagme-meeting sa publiko ang grupo ni Ninoy nang wala siya. Ang mga isyu ukol sa diktadura at martial law at epekto nito sa mamamayan ay naipaliwanag sa mamamayan.
Higit na ganito ang naganap sa nakaraang halalan. Mayroong social media. May kalayaan sa pamamahayag ang mamamayan bagamat may mga media na limitado maghayag dahil sa takot, lagay at iba pang konsiderasyon na personal sa administrasyon at mga may-ari ng mga ito. Ang publikong pulong ay depende sa kakayahan ng mga kandidato o partido na gastusan ito. Pero, kahit paano malinaw na naihayag ng oposisyon ang mga tunay na isyu. Alam ng mga mag-aaral ang mga ito. Dahil nasa kanila ang buong kalayaang gamitin ang pagpili, sa lahat ng unibersidad sa buong bansa, ang mga nagwagi sa mock election na kanilang ginanap ay ang buong ticket ng Otso Diretso at si Neri Colmenares. Ganito rin kalinaw ang mga isyu sa mga bumoto sa kanila nitong nakaraang halalan. Milyun din ang kanilang bilang na nalimitahan ng martial law at Comelec control sa Mindanao, ng bilihan ng boto, ng mga narco-list at matrix na ipinanakot sa mga pulitiko at miyembro ng show business, at higit sa lahat, sa mandarayang pamamaraan ng paggamit sa mga makina sa pagboto.
Ang pinakamahalaga, katulad ng sinabi ni Diokno, sila iyong hindi natakot lumaban at nanindigan. Sila iyong mga nakahanda na sa susunod na laban na lalong mabigat at matindi para sa katotohanan at sa ikabubuti ng lahat ng mamayang Pilipino. “Fight another day,” sabi nga ni Otso Diretso candidate Samira Gutoc.
-Ric Valmonte