Mas lumaki ang lamang ng Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) sa mga kalaban nitong party-list groups, base sa partial and official tally ng Commission on Elections.
Ang ACT-CIS, na nasa pamumuno ni Special Envoy to China Ramon Tulfo – na kilalang kakampi ni Pangulong Duterte, ay umani ng 2,487,362 boto matapos ang canvassing sa 146 na certificates of canvass (COCs) hanggang nitong Biyernes, dakong 7:16 ng gabi.
Mula sa ikatlo nitong Huwebes, ang Bayan Muna partylist, na mahigpit na kritiko ni Pangulong Duterte, ay pumangalawa nang umani ng 1,065,833 boto.
Nangunguna ang ACT-CIS at sinundan ng Bayan Muna Partylist, sa lamang na 1,421,529 boto.
Ikatlo naman ang Ako Bicol Partylists, na may 1,038,006 boto.
Sinundan ng Cibac Partylist, 896,571 boto; at Ang Probinsyano Partylist, 713,710 boto.
Ang ikalimang araw ng canvassing ay itinuloy nitong Sabado, na may natitirang 21 COCs sa kabuuang 167 COCs na nakatakdang i-canvass.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, ang proklamasyon ng mga magwawagi ay maaaring sa Linggo, Mayo 19.
"As a heads up, it's a reasonable window but not yet confirmed," ani Jimenez.
"No formal invitation has been issued yet. There are still some matters that need to be settled," aniya pa.
Ipinaliwanag ni Jimenez na iisang proklamasyon lang ang mangyayari.
"Sobrang tentative pa ng Sunday. Hindi natin kailangang magmadali dahil kailangan bilangin pa 'yong sa partylist," diin niya.
Martin A. Sadongdong