MATAPOS na makumpirma at maiproklama ang mga nanalo sa eleksiyon, naging aktibo ang mga diskusyon ng publiko tungkol sa ilang usaping nagsulputan sa kasagsagan ng kampanya.

Naging prominenteng isyu ang pamimili ng boto ngayong halalan, marami ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) dahil umano sa pamimili at pagbebenta ng boto sa iba’t ibang halaga, mula sa P300 hanggang P500. Isa itong krimen na napakahirap patunayan kaya naman maliit ang tyansang may maparusahan sa korte.

Inorganisa ng Commission on Elections (Comelec) ang “Task Force Kontra Bigay” katuwang ang Philippine National Police, ang Department of Interior and Local Government, ang National Bureau of Investigation, at ang Integrated Bar of the Philippines, upang mapabilis ang imbestigasyon sa vote-buying at sa paglilitis sa mga akusado.

Nitong Sabado bago ang eleksiyon, pinaalalahanan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang publiko na isang malaking kasalanan ang pagbebenta ng boto. Subalit mistulang naging bahagi na ito ng tradisyon tuwing may halalan sa bansa. “It somehow confirms a breakdown of the moral values of Filipinos,” dagdag pa.

Mismong si Pangulong Duterte ay nasalang sa diskusyon sa isang rally sa Davao nang sinabi niya sa kanyang mga tagasuporta na walang isyu kung tatanggapin ang pera bilang pasahe para makapunta sa campaign rally. Binatikos din niya ang “unrealistic” na mga patakaran ng Comelec laban sa pagbibigay ng pagkain at tulong pinansiyal sa mga tagasuporta ng mga lokal na kandidato.

Ang totoo, napakahirap na tukuyin ang kaibahan sa pagbibigay ng ayuda sa mga botante upang makadalo sa rally at ang mismong pagbili sa kanilang boto. Handa ang mga kandidato na gumastos para sa kampanya at masaya naman ang mga tao sa anumang tulong na kanilang natatanggap, eleksiyon man o hindi.

Maraming dahilan sa mga botante sa pagpili ng kanilang iboboto, kabilang ang pinaniniwalaan nilang makabubuti para sa kanilang bayan sa pangkalahatan. Subalit nakikita rin nila ang pakikinabangan nila—gaya ng pagkakaroon ng trabaho at pagkuha ng suporta para sa isang basketball court—bilang magagandang dahilan upang suportahan ang isang kandidato. Pero, hindi ba pagbebenta rin ng boto iyon?

Isa itong mahirap na katanungan. Darating ang panahon na ihahalal ng mga botante ang isang kandidato batay sa pinaniniwalaan nilang kabutihan na maidudulot nito sa bansa. Hindi pa tayo dumarating sa ganoong punto. Umasa na lang tayo na darating din ang araw na iyon.