Patindi nang patindi ang excitement habang papalapit ang final episode ng Game of Thrones ngayong weekend, at daan-daang libong dismayadong fans ang pumirma sa isang online petition para baguhin ang ending ng TV fantasy saga.

Nasa 600,000 fans sa mundo ang lumagda sa Change.org petition kahapon na pumupuna sa Season 8 ng patok na serye ng HBO, at nananawagan ng remake.
“This series deserves a final season that makes sense,” sabi ni Dylan D, mula sa Texas, na naglunsad ng “Remake Game of Thrones Season 8” petition ilang araw bago ang finale ng serye sa Linggo.
Nalalapit na ang pagwawakas ng kuwento ng naglalabang pamilya sa fictional kingdom ng Westeros, at mas nagiging madugo ang bawat digmaan habang parami nang parami sa mga paboritong karakter ang napapatay.
“Season 8 was very disjointed and rushed. Characters were hastily written off and plots became twisted. It was not a good close to a great series!!!” saad ni Marilyn Marnell, isa sa mga lumagda sa petisyon.
Hindi naman tumugon ang HBO nang hingan ng komento tungkol sa petisyon.
Ang serye ay sa panulat nina David Benioff at D.B. Weiss, na hinalaw ang kuwento sa source material book series ni George R.R. Martin na A Song of Ice and Fire.
Sa kabila ng mga pagbatikos, nagtala ng mga bagong record sa HBO ang ikawalo at huling season ng Emmy-winning series, na mayroong average na 43 milyong viewers kada episode sa Amerika pa lang—mas mataas sa 10 milyong nadagdag sa mga tinutukan ang Season 7 noong 2017.
Sa mga television critics, nakapagtala ang serye ng mga reviews na mula sa 92 porsiyentong positibo para sa Season 8 opener nitong Abril 14, hanggang sa 47% paborable para sa penultimate episode, ang “The Bells”, na napanood nitong Mayo 12, ayon sa RottenTomatoes.com.
Samantala, naglunsad naman ang British website na Bark.com ng Game of Thrones counseling service para mag-alok ng payo ng mga eksperto kung paanong makakayanan ng fans ang pagtatapos ng show, na unang umere noong 2011.
“Game of Thrones is one of the most popular TV programs of our time, so I’m not surprised that people are devastated it’s going to end,” sabi ni Kai Feller, co-founder ng Bark.com.
“I think there will be a fair amount of superfans out there who will need to chat with a professional when the show ends.”