BAGO ang katatapos na halalan, nagkaisa ang mahuhusay na manunuri at eksperto sa pulitika na malaki ang magiging impluwensiya ng mga ‘millennial voters’ o mga kabataang 18-26 taong gulang sa magiging resulta ng eleksiyon, subalit nadiskaril ang ganda at lalim ng kanilang mga pananaw.
Masayang balita ang tungkol sa pagkabura ng ilang ‘political dynasties’ ngunit nakakabahala ang malawakang bilihan ng botong naganap sa buong bansa, lalo na sa mga lalawigan. Kumpirmado ito mismo ng pulisiya.
Ang bilihan ng boto na bumababoy sa ating demokrasya at malayang halalan ay nagiging mabisang diskarte ng mayayamang kandidato sa pinag-aagawang puwesto sa pamahalaan. Sadyang sinisira na nito ang malayang sistema ng pagpili sa mga karapat-dapat na mamuno sa ating pamahalaan.
Kasama sa mapanglasong salapi na ginagamit sa pamimili ng boto ang perang galing sa bawal ng droga, mga dusong na yaman, imoral na kumisyon mula sa mga proyekto ng pamahalaan, ‘pork barrel’ at ‘intelligence fund’, kita mula sa ilegal na sugal at iba pang mga marurumi at karumal-dumal na pinanggalingan. Kaiba ito sa tapat na kita mula sa legal na negosyo.
Tiyak na masama ang implikasyon ng bilihan ng boto sa pulitika ng ating bansa sa hinaharap. Pinatitibay nito ang paniniwala na depende sa yaman ng kandidato ang panalo sa eleksyon. Lalo din nitong pinalalakas ang pananaw na kahit walang alam, kredibilidad at dangal ang isang kandidato, madali niyang mabibili ang puwesto sa gobyerno.
Ang kabulukang sumisipsip sa ating malayang pagpili at pagboto sa mga mamumuno sa pamahalaan ay nag-uugat sa pagtanggi ng mga mambabatas mula sa mga ‘political dynasties’, na lumikha ng mga batas para ituwid at isaayos ang mga dipekto sa mga batas natin kaugnay sa eleksyon.
Masaya tayo sa mabilis na pag-uulat sa resulta ng eleksiyon, ngunit hindi nito tinutugunan ang kasamaan ng bilihan ng boto na nagpatalsik sa tungkulin sa maraming tapat at matuwid nating mga opisyal.
Sinasalamin ng laganap na bilihan ng boto ang pananaw na ang mga matagumpay na namili ng boto ay madiskarteng magnanakaw sa pondo ng pamahalaan para mabawi ang ginasto nila sa halalan at pamimili ng boto.
Upang mabura ang mga insentibo sa mga baluktot na nais kumandidato at humawak ng mahahalagang puwesto sa pamahalaan at magnakaw sa gobyerno, dapat ay tuluyan nang burahin ang ‘pork barrel’ at ‘intelligence funds’ sa mga puwestong Ehekutibo, kurapsiyon sa mga pampublikong ahensiya, kasama ang hudikatura, at higpitan ang mga batas laban sa pandaraya sa halalan.
-Johnny Dayang