“ANG batikusin mo si Pangulong Duterte ay hindi magandang plano dahil positibong inilarawan niya ang kanyang sarili sa mga botante at ang popularidad niya ay tumaas pa nga, tatlong buwan bago maghalalan. Ang Pangulo ay popular kaya kapag inatake niya ang kalaban, susuportahan ng kanyang mga supporter ang anuman niyang argumento, tama o mali,” wika ni Victor Andres Manhit, founder at managing director ng advisory and research consultancy group Stratbase. “Hindi sila naglunsad ng kampanya na mahigitan ang popularidad ng Pangulo. Binabatikos nila ang Pangulo pero wala naman siya sa balota at nagsasalita lamang sila sa kanilang uri,” sabi naman ni professor Jean Encinas-Franco ng political science department ng University of the Philippines. Ganito ang pananaw ng dalawa kung bakit natalo ang Otso Diretso.
Naaalala ko pa nang ako ay bumili ng oras sa DZME. Bilang blocktimer na tumatalakay ng mga pang-araw-araw na isyu na napakahalaga sa buhay ng taumbayan, sinabihan kami ng may-ari ng estasyon ng radyo na batikusin na kahit sino, huwag lang si dating Pangulong Marcos. Kalakasan noon ni dating Pangulong Marcos at kabagsikan ng martial law, kaya takot siya na ipasara ang kanyang estasyon. Parang ganito ang tinutungo nina Manhit at Franco sa kanilang pagsusuri sa naging bunga ng katatapos lamang na halalan. Natalo ang Otso Diretso dahil inatake nila si Pangulong Duterte. Kung totoo ito, na hindi ko pinaniniwalaang naging dahilan, dapat ay hindi na sila tumakbo kung hindi lang nila babatikusin si Pangulong Digong.
Ang laban na dala ng Otso Diretso ay laban ng bayan para sa katarungan, katotohanan at tunay na kapayapaan. Hindi mo naman sila naringgan ng pagmumura, pagpula sa itsura ng o kaya ay pinersonal ang Pangulo, tulad ng ginawa nito. Ang talagang isyu, mismong ang Pangulo ay hindi mo puwedeng iwasan. Siya ang puno’t dulo ng mabibigat na problema ng bansa.
Puwede mo bang ilibre sa batikos ang Pangulo sa tunay na nagaganap sa pagpapairal niya ng war on drugs? Eh sa isyung ito, mayroon siyang tinitingnan o sinusulyapan lamang at tinititigan. Sabi nga ni Bishop David, peke ang kanyang war on drugs na pumatay na ng napakaraming dukha kabilang ang mga inosenteng sibilyan. Kabagsikan nga ng war on drugs, nakalusot pa mismo sa pangunahing pantalan ng bansa ang 11 bilyong pisong shabu na nasa apat na magnetic lifter. Walang tigil ang pagpasok ng iba’t ibang uri ng droga sa bansa sa kabila ng katapangang ipinapakita ng Pangulo. Ang malaking bahagi ng West Philippine Sea na idineklarang nasa hurisdiksyon ng bansa ay inari na ng China kapalit ang bilyun-bilyong piso na kanyang ipinauutang sa Pangulo. Ang kontraktuwalisasyon na ipinangako ng Pangulo na tatapusin ay nanatiling nagpapahirap sa manggagawa. Ang kahirapan sanhi ng TRAIN law ay programa ng Pangulo, maging ang Rice Tarrification Law na ang tatamaan nang lubusan ay mga magsasaka.
Ang talagang nangyari sa nakaraang halalan ay makulay na inilarawan ni Ed Garcia, dating propesor at isa sa bumalangkas sa 1987 Constitution: “Nagsalita na ang ating mamamayan at nakapamili na sila. Sasabihin ko sa kaibutaran ng aking puso na ang araw na ito ay isa sa mga pinakamalungkot na bahagi sa aking 76 na taong buhay. Hindi tayo ang tunay na tayo. Bilang mamamayan, higit na magaling at mabuti tayo kaysa dito.”
-Ric Valmonte