SABI ni Robert Gannon na isang certified Noranian ay maraming dahilan ang mga Noranians para patuloy na humanga sa nag-iisang bituin nila, ang superstar na si Nora Aunor, tulad ng kanyang natatanging galing sa pagganap at pagkakaroon ng tinig na tinaguriang “The Golden Voice”.
Ngunit ayon sa kanila, ang pinakatangi-tanging dahilan ay ang pag-uugali ni Nora Aunor na sa kabila ng lahat ng tagumpay ay nanatiling may puso para sa nangangailangan. Mula noon hanggang ngayon, batid ng lahat ang kanyang hangarin na makatulong sa kapwa sa kahit anong paraan. Isa na rito ang makapag-abot ng tulong sa mga kapus-palad na nasa mga institusyon tulad ng mga Homes for the Aged and Orphans.
Ang hangaring ito ng superstar ang naging inspirasyon ng kanyang fans na bumuo ng proyekto -- isang outreach program para sa Home For The Aged.
Napakaganda ng ngiti ng superstar nang sumang-ayon sa plano ng NOW, kaisa ang Grand Alliance for Nora Aunor Philippines (GANAP), Solid Nora Tirso Forever (SNTF), D’ Solid Noranians, Federation of Nora Aunor Followers, Nora’s Friends Forever (NFF), at International Circle of Online Noranians (ICON).
And presto, kamakailan lamang at umaga pa lang ay nagtipon na ang mga Noranians sa fountain ng Marikina Sports Complex, na ‘di inalintana ang gutom at init ng araw. Masayang naghintay ng kasamahan ang nakakaisang Noranians upang maghatid ng biyaya sa mga oldies ng Sto. Nino Home For The Aged.
Pasado alas dos ng hapon nang dumating ang buong grupo ng NOW sa Sto. Nino Home for the Aged bitbit ang mga regalo, pagkain, inumin. Tuwang-tuwa ang mga lolo at lola nang makita nila ang mga larawan ni Nora Aunor sa mga tarpaulin na sinabit ng NOW sa loob ng institusyon. Nag-umpisa ang program sa isang panalangin na sinundan ng munting paliwanagni Edgar tungkol sa NOW.
Tuwang-tuwa ang mga lolo at lola nang magsayaw ng Pearly Shells ang ilang sa members ng NOW. Lalo silang sumaya habang naglalaro ng “Hep Hep Hurray” kung saan nakatanggap ng premyo, hindi lamang ang nanalo, kung hindi lahat ng lolo at lola.
Napaluha naman sa saya ang mga ito nang isa-isang inabutan ng mga bulaklak habang tinutugtog ang awiting Handog ni Nora Aunor. Buong siglang isinayaw ng Noranians ang mga lolo at lola sa saliw ng mga awitin ng superstar.
Hanggang pag-uwi, nakangiti at masaya ang mga Noranians na lalong minahal ang superstar dahil sa “inner joy” na kanilang nadama sa unang outreach program ng Noranians Worldwide Inc. Ang dating pangarap, ngayon ay natupad. Ang NOW, sa pamumuno ni Edgar B. Castro, ang siyang naging kamay at paa ni Nora Aunor upang maipaabot niya ang kanyang handog-pasasalamat sa mga nangangailangan.
Good job, Noranians all over the world!
Happy happy birthday kay Ate Guy this coming May 21!
-MERCY LEJARDE