TATAHAKIN ngayong linggo ng United Nations ang panibagong pagsisikap upang labanan ang climate change, sa pagtungo ni UN Secretary General Antonio Guterres sa New Zealand at iba pang isla sa katimugang Pasipiko.
Tatlong taon na ang nakalilipas nang buohin ang Paris agreement, na ang iba’t ibang bansa ay naglatag ng kani-kanilang planong aktibidad upang mabawasan ang paglalabas ng carbon dioxide at iba pang industrial emissions na tinukoy na pangunahing sanhi ng pagtaas ng temperatura.
“We are still losing the battle,” ani Guterres nitong nakaraang linggo. “Climate change is still running faster than we are, and if we don’t reverse this trend, it will be a tragedy for the whole world.” Sa paglalakbay na ito sa Pasipiko, magtutungo ang UN chief sa Fiji, Tuvalu, at Vanuatu, na tinamaan kamakailan ng bagyo at baha.
Ang mga bansa sa isla Pasipiko ang sinasabing pinakaapektado ng climate change dahil sa inaasahang pagtaas ng tubig sa dagat sa pagtindi ng temperatura sa mundo at pagkatunaw ng polar glaciers. Mas tumindi rin ang mga bagyo mula sa Pasipiko, na nagiging sanhi ng mga pagkasawi at pagkasira ng mga isla.
Ang sentro ng tumitinding panganib sa lugar sa Pasipiko ay ang Pilipinas. Mula sa mainit na sentro Pasipiko, pag-iipon ng lakas ng bagyo, at pipihit patungo sa pangunahing lupain sa Asya. Nasa gitna ang Pilipinas ng daraanan ng mga bagyo.
Ang panibagong pagsisikap ng UN upang maibsan ang climate change ay paghahanda sa susunod na climate action summit sa United Nations sa Setyembre. Maaaring ito na ang huling pagkakataon ng mundo upang maiwasan ang climate change, ayon kay Secretary General Guterres.
Patuloy ang pagtaas ng temperatura sa mundo sa kabila ng UN Convention on Climate Change in Paris noong 2016. Inayawan ng United States, sa pamumuno ni President Donald Trump, ang ideya ng climate change at nananatiling No.1 producer ng industrial emissions. Ang China ang pinakamatinding polluter sa mundo, ngunit nangakong kikilos upang mabawasan ang industrial emission nito.
Sa Paris conference, ipinakita ng Pilipinas ang isang programa ng mas pinaunlad na programa ng renewable energy at hindi gaanong pagdepende sa highly polluting plants gaya ng coal-fueled electric power producers. Nagpo-produce tayo ng kuryente mula sa wind farms at solar farms, ngunit patuloy tayong dumedepende sa coal plants upang makapag-produce ng kuryente na ating kailangan.
Ito rin ang kasalukuyang kalagayan ng iba pang mga bansa, kaya si UN Secretary General Guterres ay kumikilos upang makakuha ng suporta mula sa bansa sa Pasipiko para sa darating na UN summit sa Setyembre.
Umaasa tayo sa UN secretary general sa kanyang misyon patungo sa South Pacific ngayong linggo. Bilang isang bansa na kabilang sa pinakaapektado ng climate change, kailangan nating ipaabot ang ating suporta sa pagsisikap ng UN na aabot sa summit sa Setyembre.