SINIMULAN na ngayong araw ng Commission on Elections (Comelec) ang Random Manual Audit (RMA), prosesong itinatakda ng batas upang masiguro ang katiyakan ng resulta sa mga Vote Counting Machine sa ginanap na midterm election nitong Lunes.
Random na pumili ang Comelec ng 715 na presinto sa buong bansa. Simula ngayong araw at sa susunod na dalawang linggo, mano-manong bibilangin ng Comelec at ng katuwang nitong ‘citizen arm’ ngayong halalan, ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE), ang lahat ng boto sa 715 na presinto. Inaasahan nilang matatapos ang 50 hanggang 60 presinto kada araw.
Ang resulta ng mano-manong bilangan ay ikukumpara sa resulta na inilabas ng voting machines nitong Lunes.
Mula nang magsimula ang awtomatikong halalan noong 2010, hindi nawawala ang mga kuwestiyon ng ilang panig hinggil sa katiyakan ng bilangan ng boto, lalo sa tila mga iregularidad na lumalabas sa ilang malalayong bahagi ng bansa. Ayon sa mga kritiko, tulad ng anumang computer system, maaari ring ma-hacked ang automated system, at sa makatuwid ay maaaring mapasok o pakialaman.
Sa ilang bansa sa Europa tulad ng Germany at Netherlands, itinigil at idineklarang ‘unconstitutional’ ang automated election dahil sa isyu ng ‘transparency’.Sa kabila ng mga pagbabago sa ilang bansa, nananatili ang kumpiyansa ng Pilipinas sa awtomatikong sistema, lalo pa’t winawakasan nito ang ilang linggo at buwan na paghihintay para malaman ang resulta sa pambansang halalan sa ilalim ng lumang sistema.
Ipapakita ng mano-manong bilangan na magsisimula ngayong araw kung nadaya o napakialaman ang mga voting machine upang lumabas ang resulta na pabor sa ilang mga tiyak na kandidato. Maaaring may mga pagkakaiba, tulad ng ipinapakita sa nagpapatuloy na kaso ng protesta sa pagitan ni dating Senador Ferdinand Marcos at Bise Presidente Leni Robredo, dahil sa hindi tamang marka ng ilang botante sa bilog na nakatapat sa pangalan ng kandidato.
“We will report what we see. Whatever the implication is, we will report what we see,” pahayag ni Comelec Commisioner Louie Tito Guia.
Kung sakali, na sa pagtatapos ng Random Manual Audit ay lumabas ang mga kamalian at pagbabago, kumpiyansa tayo na tutugunan ito ng Comelec. Ang mahalagang bagay ay ang nananatiling tiwala ng sambayanan sa ating awtomatikong halalan, ang puso ng ating demokrasya.