ISA itong makadurog-pusong kuwento na ayaw nating marinig. Napilitan ang isang manggagawang Pilipino na iwan ang kanyang pamilya para magtrabaho sa ibang bansa. Nagtutungo ang mga OFW sa ibayong-dagat, kadalasan, upang alagaan at pagsilbihan ang pamilya ng ibang tao. Pero pinili nilang gawin ito dahil nais nilang makatulong sa pagpapaunlad ng bansa.
May mga pagkakataong nauuwi sa kabiguan ang mga ganitong kuwento, kapag ang perang pinaghirapan sa ibang bansa ay hindi nagastos nang maayos at nawalan ng kabuluhan ang ilang taon ng pagkakawalay sa pamilya. Tinitiis nila ang ilang dekadang malayo sa pamilya para lang mapagtanto sa bandang huli na naglaho lang na parang bula ang perang pinaghirapan at pinaglaanan nila ng mga sakripisyo.
Isa itong uri ng kuwento na kailangan nating pagsikapang matuldukan. Ang klase ng istorya na sinikap kong baguhin sa buong panahon ng pagsisilbi ko bilang negosyante at bilang lingkod-bayan.
Bilyun-bilyong dolyar ang remittances na ipinadadala sa bansa ng ating mga OFW taun-taon. Noong 2018, nagpadala sila ng kabuuang $32.21 billion (P1.7 trilyon), na nakatulong nang malaki upang maiangat ang ekonomiya ng Pilipinas. Sa rami ng perang kinikita ng mga OFWs, paano nila ito ginagastos? Paanong nananatili pa rin silang hikahos sa buhay, gaya ng kung ano ang kanilang kalagayan nang unang beses na umalis sila sa bansa?
May mga datos na magbibigay sa atin ng kasagutan. Ayon sa magkahiwalay na pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Philippine Statistical Authority (PSA), 66% ng mga OFW ang nakapag-ipon nang wala pang 25 porsiyento ng kabuuang halaga ng kanilang kinita, 19.0% ang nakapag-impok ng 25-49 porsiyento nito, at 15.0% ang nakapagtabi ng 50 porsiyento o higit pa.
Ayon sa BSP, 94% ang ginamit ang natanggap nilang remittances para ipambili ng pagkain at iba pang pangangailangan sa bahay. Bukod dito, ang bahagdan ng mga pamilyang naglaan ng bahagi ng mga remittance para sa edukasyon ay umabot sa 64.1 porsiyento, 46.9% ang itinabi para sa gastusing medikal, habang 22.9% ang ipinambayad sa mga utang.
Ito ang tipikal na paraan ng paggastos ng mga pamilyang OFWs sa mga remittance na ipinadadala sa kanila rito sa bansa. Natukoy din sa kaparehong pag-aaral na 39.4% ng mga pamilyang OFW sa Pilipinas ang iniipon ang natatanggap nilang remittances, habang 3.8% lang ang nag-i-invest.
Ang pag-iimpok ng pera upang mapalago ito sa pamamagitan ng matalinong pamumuhunan ang susi upang maresolba ang isyu ng mga manggagawang migrante sa bansa. Bagamat sumasaludo tayo sa kabayanihan ng ating mga OFWs, hindi naman natin hahangaring mapanatili ang status quo nang mahabang panahon. Kailangan natin dito ang ating mga manggagawa. At kailangan sila rito ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ang pamumuhunan para sa mga OFWs ay mahalaga para sa kanila upang kumita rito sa ating bansa. Pero saan ba nila ii-invest ang kanilang perang pinagpaguran? Batay sa datos, sa mga namuhunan, 55% ang piniling bumili ng ari-arian, habang 25% ang nagnegosyo, at 15% lang ang naglagak ng pera sa money market funds.
Mahalagang mapasigla natin ang financial at entrepreneurial skills ng ating mga OFWs. Nangangahulugan ito na kailangan silang magabayan kung paano nila masisiguro na ang perang pinaghihirapan nila ay kanilang mapapalago, at makakatulong sa kanila sa matagal na panahon.
Bagamat mayroong mga programa ang gobyerno at pribadong sektor upang maipagkaloob ang mga kaalamang tulad nito, marami pa tayong kailangang gawin. Isa ito sa mga dahilan kung bakit isinusulong ko ang pagtatatag ng isang Cabinet-level na Department for OFWs. Kailangan natin ang lahat ng pondo at awtoridad upang matulungan ang mga OFW.
Umaasa akong magtutulung-tulong ang mga bagong halal na mambabatas upang maisakatuparan ang hangaring ito. Kung magagawa nating matulungan ang ating mga OFW sa pagakakaroon ng sapat na kakayahan sa pamumuhunan at pagnenegosyo, nasimulan na natin ang unang mahalagang hakbangin sa pagsasakatuparan ng ating pangarap—na walang Pilipino ang dapat na mapilitang iwan ang kanyang mga mahal sa buhay mapakain lang sila nang tatlong beses sa maghapon.
-Manny Villar