NGAYON ay tapos na ang halalan. Sa mga inisyal na ulat, halos lahat ng kandidato ni Pres. Rodrigo Roa Duterte at ng Hugpong ng Pagbabago (HnP) ni Davao City Mayor Sara Duterte ay nanalong lahat. Binabati namin ang nagtagumpay at nakikisimpatiya kami sa natalo. Talagang ganyan ang labanan, may tumatawa at may umiiyak. Sana naman ay hindi paiyakin ng mga nanalo ang bayan at ang taumbayan.
Sa katatapos na eleksiyon, nagiba at bumagsak ang ilang political dynasty. Halimbawa rito ay ang Estrada dynasty, sa pangunguna ni dating Pangulo at ngayon ay Manila City Mayor Joseph Estrada. Natalo ang mga kandidato niya sa San Juan City. Mukhang ang dalawa niyang anak, sina ex-Sen. Jinggoy Estrada at Sen. JV, ay baka hindi makabilang sa Magic 12.
Sa Pasig City, gumuho ang Eusebio dynasty na may 27 taong namayani sa lungsod. Pinatumba ng anak ng Eat Bulaga host Vic Sotto si Mayor Bobby Eusebio. Siya ay si Vico Sotto, anak nina Coney Reyes at Vic Sotto. Unti-unti na yatang nagigiba ang mga political dynasty sa bansa. May report din na maging ang Binay dynasty sa Makati City ay gumuguho rin sa pagkatalo ni ex-Vice Pres. Jejomar Binay bilang congressman. Gayunman, Binay pa rin ang alkalde sa lungsod, si Mayor Abby Binay. Tinalo niya ang kapatid na si ex-Mayor Junjun Binay.
Sa Maynila, malaki ang kalamangan ni Isko Moreno kay Pareng Erap. Marahil ay ayaw na ng mga Manileño kay Estrada, na nangako noon kay Isko na pagbigyan siyang tumakbo bilang mayor, at sa susunod na halalan ay pagbibigyan niya si Moreno. Hindi tumupad si Erap, tumakbo uli at nanalo. Ngayon, nilabanan siya ni Isko at nagwagi naman. Tinalo ni Isko Moreno ang dalawang damatan, este dalawang beterano sa pulitika, sina Estrada at ex-Mayor Alfredo Lim.
Sa panalo ng mga kandidato ni PRRD sa pagka-senador, inaasahang lalong lalakas at hihigpit ang kanyang hawak sa kapangyarihan. Magbibigay-daan ito sa pagtupad sa kanyang mga pangako noong May 2016 election sa mga isyu ng pagpapanumbalik sa death penalty at pagbabago sa Konstitusyon.
Kapag naging yuko-ulo at sunud-sunuran ang Senado sa kagustuhan ng ating Pangulo, tiyak na ibabalik ang parusang kamatayan. Kung sa bagay, maraming Pilipino ang katig sa death penalty restoration dahil sa Pilipinas malayang nag-ooperate ang mga drug lord/smuggler sapagkat batid nilang kapag sila’y nahuli, hindi naman sila bibitayin tulad sa Singapore, Malaysia, Indonesia at iba pang mga bansa na may death penalty.
Malaki rin ang tsansa na baguhin ang 1987 Constitution upang isulong ang pederalismo o federal system of government sa Pilipinas. Ito ang pangunahing programa ni PDu30 bukod sa pagsugpo sa illegal drugs. Sa panalo nina Bong Go, Bato dela Rosa at Francis Tolentino, dumami ang kaalyado niya sa Senado na itinuturing na isang malayang sangay ng gobyerno. Abangan natin kung ang Senado ay hindi matutulad sa Kamara na isang “rubber stamp” ng Malacañang.
Totoo kaya ang laganap na vote-buying o pamimili ng boto ng mga kandidato nitong nakaraang eleksiyon? Mismong si Mano Digong ang nagsabi noong Linggo matapos siyang bumoto sa Davao City na ang pamimili ng boto ng mga kandidato at ang pagbebenta ng boto ng mga tao, ay “integral part” o bahagi ng eleksiyon sa Pilipinas. Bunsod umano ito ang kahirapan sa bansa.
Kungsabagay, maging si yumaong Cardinal Sin ay nagsabi noon sa mga botante na tanggapin ang perang bigay ng mga kandidato, pero pagpasok sa presinto, ang iboto ay ang inyong gusto at napupusuan. Tapos na ang halalan. Dumalangin at umasa tayo na tutuparin ng nanalong mga kandidato ang mga pangako na magsisilbi para sa kabutihan, kagalingan at kapakanan ng bayan at mamamayan at hindi para sa kanilang bulsa at deposito sa bangko.
-Bert de Guzman