HINDI mapagkit sa aking alaala, tuwing mag-uumpisa ang bilangan ng boto sa bawat halalang nagaganap sa bansa, ang kabayanihan ng isa kong kaklase at matalik na kaibigan sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), na buong giting na ipinagtanggol ang mga ballot box na tinangkang tangayin ng mga armadong goons sa presintong kanyang binabantayan sa isang bayan sa Cagayan Valley noong 1971, bilang isang “student volunteer” na miyembro ng Reserve Officer Training Corps (ROTC).
“Hawak ko ang Rosaryo sa aking kaliwang kamay at matapos ang aking pag-aantanda, isa-isa kong pinutukan ang mga armadong goons na nagpilit pumasok at nakawin ang mga ballot box sa presintong aking binabantayan. Hindi ko matandaan kung ilang beses kong ipinutok ang Garand Riffle na aking hawak, basta ang nakikita ko ay isa-isang natutumba na parang kinatay na baboy ang bawat magtangkang pumasok sa gusali,” bahagi ng kuwento sa akin ni Ramon Kabigting, na kababata ko sa Tondo, Maynila na naging kaklaseko mula high school hanggang sa kolehiyo.
Biglang naging celebrity si Pareng Mon nang ma-feature ang kanyang kabayanihan saradyo, TV at mga pahayagan, ngunit sa halip na mamayagpag sa kasikatang tinatamasa ay biglang naging tahimik at palaging walang kibo, na animo’y may malalim na iniisip.
Sa pangungulit ko sa kanya ay nasabi ni Pareng Mon sa akin ang dalawang dahilan ng kanyang pagbabago – ang sundot ng kanyang konsiyensiya sa pagkakapatay sa mga goons at ang seguridad niya at ng kanyang buong pamilya na katakut-takot na banta ang tinatanggap mula sa kampo ng pulitikong utak ng nabigong pagnanakaw sa mga balota.
Resulta – hindi na ipinagpatuloy ni Pareng Mon ang kanyang pag-aaral sa PLM at nangibang bansa na lamang siya, kasunod ang buong pamilya. Kinailangan pa nga niyang gumamit ng ibang pangalan upang maitago ang tunay niyang pagkatao!
Hanggang sa ngayon ay nagtatago pa rin si Pareng Mon sa pangalan na kanyang napiling gamitin nang bumiyahe siya patungo sa bansa na tinitirhan niya at nang kanyang buong pamilya.
Kamakailan lamang, nagbalik-bayan si Pareng Mon kasama ang kanyang sariling pamilya, at sa munti naming GTG kasama ang dati naming mga kaklase at barkada, sinariwa namin ang kanyang “limot na kabayanihan”.
Karamihan sa mga mag-aaral sa mga kolehiyo noon, lalo na sa PLM, ay nagbo-volunteer sa mga presinto ng Commission on Elections (Comelec) bilang “poll watcher” o kaya naman ay sa “security” -- bilang harimunan at dagdag kredito sa ROTC -- kapag sumasapit ang halalan na ginaganap noon tuwing ikaapat na taon.
Ang mga nakuhang volunteer sa security ay mga miyembro ng ROTC na sinanay sa paghawak, pag-assemble at pagputok ng baril – kadalasan ay mga riffle na gaya ng Garrand (M-1) at Armalite (M-14) – sa loob ng kampo militar sa Fort Bonifacio (na ngayon ay mas kilala ng mga Millenials na BGC bilang gimikan!) ng mga nagtuturong opisyal ng Philippine Army (PA).
Volunteer din ako noon, kaya lang ay hindi sa security na dinala sa ibang delikado at malayong lalawigan, bagkus ay dito lamang sa Metro Manila bilang “poll watcher” sa paaralang Juan Nolasco sa kalye Pritil sa Tundo, Maynila.
May naiwang alaala rin naman sa akin ang eleksiyon noong Nobyembre 8, 1971 – hindi nga lang pang-“action movie” na gaya ng kay Pareng Mon, kundi pwedeng pang-“romantic movie” – dahil sa petsang ito nag-umpisa naman ang isang wagas na pag-iibigan na pinatamis ng tsokolateng Choc*Nut at kakaning “Pasingaw”!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.