SINAMPAHAN ng kasong disbarment sa Korte Suprema sina President Abdiel Fajardo at incoming president Domingo Cayosa ng Integrated Bar of the Philippines (IBP). Ang IBP ay samahan ng lahat ng abogado sa buong bansa.
Nag-ugat ang kaso nang gawin ni Peter Joemel Advincula sa opisina ng IBP ang press conference kung saan inamin niya na siya ang hooded “Bikoy” sa video ng “Ang Tunay na Narco-list” na nagviral sa social media.
Inuulit niya sa nasabing press conference ang nilalaman ng video na nagsasangkot sa ilegal drug trade ang pamilya at kaalyado ni Pangulong Duterte.
Ayon sa party-list group na Kabalikat ng Nagkakaisang Manileño, ang nagreklamo laban sa dalawang opisyal ng IBP, ipinagamit nila ang opisina ng organisasyon at ito ay labag sa Code of Responsibility of Lawyers. Ang patakaran kasi, aniya, ay nagsasaad na hindi dapat payuhan o tulungan ang anumang gawaing labag sa batas o nagpapababa sa kumpiyansa sa sistemang legal.
Eh pinahintulutan ang press conference ni Advincula na may kulay pulitika sa kabila na non-partisan ang IBP.
“Ang pintuan ng opisina ng IBP ay bukas sa lahat ng may hinaing na naghahanap ng lunas. Ang mga isyung kinakaharap ni Advincula ay may kaugnayan sa kanyang kalayaang magsalita at ilabas ang kanyang saloobin at ang kanyang mga ipinahayag ay hindi dapat maliitin lalo na sa panahon na naman ng kadiliman ng bansa at ng ating mga karapatan sa Saligang Batas. Kami, sa aming propesyon, ay hindi kayang pabayaan ang mga nakakabahalang pangyayari sa ating minamahal na republika. Kami ay mga abogado para sa Pilipino at kami ay naririto at nagmamasid,” wika ni Philippine Law School Dean Jose Grapilon, dating pangulo ng IBP.
Hindi ko alam ang pinaghuhugutan ng mga nagdemanda ng disbarment laban kina IBP President Fajardo at incoming president Cayosa. Abogado rin kaya sila at kahit paano ay nakapaglingkod bilang opisyal, o kahit empleyado, ng IBP?
Nang mahalal akong pangulo ng IBP-Caloocan, Malabon, Navotas, nahirang akong national chairman ng Committee on Human Rights and Due Process. Binuksan ni IBP President Eugene Tan ang opisina sa lahat. Kaya, kami ni dating IBP Governor Romy Capulong ay naglingkod gamit ang aming propesyon sa lahat. Hindi kami namili ng tinulungan. Higit naming binigyan ng pansin at oras ang mga kliyenteng ginigipit ng mga taong gobyerno, tulad ng mga mag-aaral, magsasaka at manggagawa.
Sa panahon na ako ay nanilbihan sa IBP, hindi pinahintulutan ng mga opisyal na maulit ang ginawa ng mga nauna sa kanila. Kasi noon, kapag si dating Pangulong Marcos at ang kanyang mga dekrito ang bubungguin, ayaw gumalaw ang IBP. Kaya, nagsulputan ang iba’t ibang samahan ng mga abogado, prominente sa mga ito ay ang FLAG, MABINI at BONIFACIO.
Ang abogado, para maging tapat sa propesyon, ay walang pinipiling kaso at kliyente, lalo na kung may kaugnayan sa katarungan, katotohanan at pagpapanaig sa rule of law.
-Ric Valmonte