TAPOS na ang halalan (2019 midterm elections). Nakaboto na tayo. Sana ay tama at ayon sa konsensiya natin ang mga ibinotong kandidato. Ang hihintayin natin ay ang bilangan at resulta ng eleksiyon. Sana naman ay hindi nagamit ang Smartmatic sa dayaan, maayos ang pagbilang at transmisyon ng mga boto mula sa mga lalawigan at bayan sa Comelec.

oOo

Talagang palabiro ang ating Pangulo, si Rodrigo Roa Duterte. Nang dapuan siya ng ipis habang nagsasalita sa campaign rally sa Bohol noong Miyerkules, sinabi niyang ang ipis ay Liberal (dilawan) o pakawala ng Liberal Party (LP).

Ang ipis ay dumapo sa kanyang T-shirt habang pinupuri ang kandidato sa pagka-senador na si Imee Marcos. Agad kumilos at pinaalis ng kanyang police security aide na si Capt. Sofia Deliu ang pangahas na ipis na dumapo sa damit ng Pangulo.

May nagtanong: “Napatay kaya ang ipis”?

Badya ni PRRD: “Liberal na. Ay sigurado na o. Klaro kaayo sa likod” (Liberal ito. Sigurado ito. You can tell clearly by its back).

Bakit, dilaw ba ang likod ng ipis? tanong ng isang kainuman ng kape.

Sa naturang insidente, pinuri si Mano Digong ng kanyang supporters at tagahanga sa pagiging mahinahon sa pagdapo ng pangahas na ipis, hindi siya lumundag o nagulat.

Iba naman ang reaksiyon ng mga kritiko na kaya raw dumapo ang ipis sa Pangulo ay dahil gusto ng ipis ang “trash and filth” o basura at dumi. May ilang pilyong netizen ang nagkomento na ang ipis ay baka maisama sa matrix ng umano’y ouster plot laban kay PRRD sa susunod. Ano ang masasabi mo rito Spox Salvador Panelo? Joke, joke only.

oOo

Sa darating na pasukan, sinabi ng Department of Education (DepEd) na kailangan ng 31,400 bagong guro. Ayon sa DepEd, ang klase o pasukan ay magsisimula sa Hunyo 3. Sa report nito sa Kamara tungkol sa budget at alokasyon, may kabuuang 193,902 posisyon para sa mga guro ang napondohan at nalikha sa ilalim ng taunang aproprasyon mula 2016-2018.

oOo

Pinayagan din sa wakas ng hukuman si Sen. Leila de Lima na makaboto kahapon (Mayo 13) sa kanyang presinto sa Sta. Rita Parish School sa Parañaque City. Labis ang katuwaan ng senadora sa pagpayag ng korte sa Muntinlupa City na siya’y bumoto. Walang paliguy-ligoy, inihayag ni Sen. Leila na ang iboboto niya ay mga kandidato ng OTSO DIRETSO.

oOo

Kumilos ang Department of Trade and Industry (DTI) para ipasuspinde ang operasyon ng China Food City food park sa Las Piñas City na umano’y nagsisilbi para lamang sa mga Chinese dahil walang permiso. Ayon kay DTI Sec. Ramon Lopez, ang magsususpinde sa Chinese restaurant ay ang Las Piñas City government dahil sila ang nagkaloob ng permiso.

Kapag hindi raw kumilos ang siyudad, makikialam na ang DTI.

Nagsagawa ng sorpresang inspeksiyon si Lopez sa restaurant. Ang mga resibo raw na ibinibigay sa mga kumakain ay nakasulat sa Chinese characters kaya hindi ito malalaman ng BIR. Wala ring nakita si Lopez na sanitation permits, proper waste disposal at waste treatment facility sa Chinese restaurant.

Siguro naman ay hindi magiging dahilan upang sabihin ng mga lider ng ating bansa na ang suspensiyon o pagpapasara sa mga kainang-Tsino ay baka ikagalit ng China, katulad ng pangamba sa West Philippine Sea (WPS). Na ayaw nating magprotesta hinggil dito sapagkat hindi natin kayang makipaggiyera sa dambuhala sapagkat uubusin lang ang ating mga sundalo at pulis.

Bakit, ipinatutupad lang ng DTI ang batas at hindi naman tayo nakikipagdigmaan sa China?!

-Bert de Guzman