BUWAN ng mga bulaklak at mga kapistahan ang Mayo. Ayon sa kasaysayan, panahon pa man ng mga Kastila, ang Mayo, bukod sa mga kapistahan ay iniuukol sa pagpapahalaga sa mga mngsasaka.
At kapag sumapit na ang ika-15 ng Mayo, masaya, makulay at makahulugang ipinagdiriwang ang kapistahan ni San Isidro Labrador—ang kinikilalang patron o pintakasi ng mga magsaaka.
Nang sakupin ng mga Kastila ang iniibig nating Pilipinas, bukod sa paghahasik ng binhi ng Kristiyanismo, nang natuto ang mga Pilipino na tumingala sa Langit, ipinakilala ng mga Kastila ang araro at kalabaw sa mga magsasaka bilang katuwang sa pagsasaka.
Ang sektor na ito ng ating lipunan, na kahit laging kulang sa tangkilik ng pamahalaan at madalas na maging biktima ng pang-aapi at panlilinlang, ay binibigyan ng pagpapahalaga sa kapistahang ito.
Sa Presidential Proclamation na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong Marso 21, 1989, ang Buwan ng Mayo taun-taon ay “Farmers ang Fisherfolks Month”, o Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda. Layunin ng proklamasyon at ng pamahalaan na patuloy na mabigyan ng mataas na prioridad o pansin ang pagpapaunlad sa agrikultura at pangingisda. Magagawa ng mga magsasaka at mangingisda na mapalawak ang kanilang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa. Matutulungan din ng Kagawaran ng Pagsasaka ang mga magsasaka at mangingisda na maiangat ang kanilang kapakanan at kabutihan.
Napakaganda ng layunin at nilalaman ng proklamasyon, ngunit hindi ganap na naipatutupad ng mga nakalipas na rehimen, sapagkat ang mga mangingisda, lalo na ang mga magsasaka, ay patuloy na kulang sa tangkilik at suporta ng pamahalaan; naging mga aping sektor ng lipunan, biktima ng bigay-bawing lupa at kasinungalingan.
May nag-hunger strike noon at nagsagawa ng mga kilos-protesta. Ang pondo para sa kanila, lalo na ang fertilizer fundm, ay dinambong ng mga tulisan at magnanakaw sa Kagawaran ng Pagsasaka. Ang tulisan ng pondo ay tumakbo at naglungga o nagtago na sa ibang bansa. Hindi nausig ng gobyerno.
Ayon sa kasaysayan at talambuhay ng mga santo, si San Isidro Labrador ay isang mahirap at karaniwang tao na naging banal dahil sa pagsasaka. Isang mabuting magbubukid siya ni Juan de Vargas sa Madrid, Espanya. Dahil sa kalinisan ng kanyang pamumuhay at katapatan sa gawain, napamahal siya sa kanyang panginoong may-ari ng lupa.
Katangi-tangi rin ang pagmamahal ni San Isidro sa mahihirap. Bago siya magtungo sa bukid upang mag-araro ay hindi niya kinalilimutang magsimba. Kinainggitan si San Isidro ng ilan niyang mga kasamahan, at isinumbong sa kanyang panginoon na tinatanghali sa pag-aararo. Pinuntahan at sinubukan ni Juan de Vargas sa bukid si San Isidro. Nang oras na ng paggawa, nagulat siya sapagkat ang nakita niyang mga anghel ang gumagawa sa lupa ni San Isidro. Nagbalik si San Isdro sa kanyang Manlilikha noong Mayo 15, 1130.
Sa iniibig nating Pilipinas, marami nang bayan at barangay ang isinunod sa pangalan ni San Isidro at ginawa nilang patron saint. Ipinagdiriwang ang kapistahan tuwing ika-15 ng Mayo. Patron saint si San Isidro ng Madrid, ang kabisera ng Espanya, na ipinagdiriwang din ang kanyang kapistahan.
Sa pista ni San Isidro, tampok sa Pulilan, Bulacan ang “Carabao Festival” at ang “Pahiyas” sa Lucban at Sariaya, Quezon. Kahit mahirap ang buhay, binibigyan ng pagpapahalaga at parangal si San Isidro at mga magsasaka sa Angono, Rizal; San Isidro, Nueva Ecija; Barangay San Guillermo, Morong, Rizal; Barangays Paagahan, Nanguma at Matala-tala, Mabitac, Laguna; Biñan, Laguna; Lasam, Cagayan, at iba pang bayan at mga barangay na nagpapahalaga sa sektor ng mga magsasaka.
Bahagi rin ng pagdiriwang ng pista ni San Isidro ang bendisyon at pagpapaluhod sa mga kalabaw sa harap ng mga simbahan o kapilya matapos ang misa. Kasunod na nito ang prusisyon at parada. Tampok at ipinakikita ang mga inaing produkto sa pagsasaka at iba pang gawain ng pagpaparangal kay San Isidro Labrador at sa mga magsasaka.
-Clemen Bautista