Iimbestigahan ng mga mambabatas ang mga naitalang aberya sa mga vote counting machines at SD cards sa kasagsagan ng botohan kahapon.
Sinabi ni Sen. Aquilino "Koko" Pimentel, chairman ng joint congressional oversight commitee on the automated elections system (JCOC-AES) para sa Senado, na magpapatawag siya ng imbestigasyon kaugnay ng pagkakaantala ng botohan kahapon dahil sa mga pumalyang VCM.
“Glitches are enough to call for a congressional investigation. Why are we still having all these glitches? Cannot Comelec (Commission on Elections) anticipate them?” saad sa text message ni Pimentel.
Aniya, makikipag-ugnayan siya sa JCOC-AES ng Kamara, na pinamumunuan ni CIBAC Party-list Rep. Sherwin Tugna, para sa pagsasagawa ng congressional oversight hearing kapag muling binuksan ang sesyon sa Mayo 20.
Una nang binatikos ng mga senador ang Comelec sa pagpalya ng mga VCM, na nagpaantala sa pagboto sa iba’t ibang polling precincts sa bansa.
“Too many reports of malfunctioning VCMs nationwide. Hence the question to ask now is: Why did Comelec report that all VCMs passed the diagnostic tests?” sinabi ni Pimentel kahapon.
Sinabi naman ni Sen. Nancy Binay na “totally unacceptable” ang mga nasabing aberya dahil tiniyak na sa kanila ng Comelec na magiging maayos ang halalan.
“This glitch is so weird...We have the right to know what’s really going on? #unbelievable,” tweet ni Sen. Joel Villanueva kahapon.
-Vanne Elaine P. Terrazola