Laman ng balita kamakailan ang isang 63-anyos na lalaki sa China matapos itong mapaulat na maisuka ang tumor, ngunit natakot kaya’t nilunok niya muli.

Sa ulat ng Oddity Central, matagal nang pinoproblema ng lalaki mula Hunchun County, China, ang kakaibang nararamdaman nito sa kanyang lalamunan, ngunit dahil hindi naman ito nakaaapekto sa kanyang paghinga at pagkain, hinayaan na lamang niya ang nararamdaman. Gayunman, nitong nakaraang linggo, matapos maparami ng inom, nagsimulang masuka ang lalaki, kasunod nito nakaramdam ito ng matinding sakit sa lalamunan saka niya nakita ang isinukang tila malaking laman mula sa bibig. Ngunit dahil nakadikit ang tila karneng bagay na kanyang iniluwa sa loob ng kanyang lalamunan at hindi tuluyang matanggal isang desisyon ang ginawa ng lalaki—ang uminom ng isang basong tubig at lunukin pabalik ang iniluwang laman.
Masuwerte namang naisip ng lalaki na ikonsulta sa doktor ang nangyari sa kanya, kung saan nadiskubre ng mga doktor ang isang malaking tumor na lumalaki sa kanyang lalamunan. Dahil dito agad na inoperahan ang lalaki at tagumpay na nailigtas sa posibleng paglala ng tumor.