Mariing itinanggi ng Commission on Elections ang mga akusasyong nagkaroon ng dayaan nang magkaaberya at hindi kaagad na makapag-transmit ng partial election results sa transparency server sa mga poll watchdogs, at maging sa mga miyembro ng media.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, sa kabila ng depekto sa transparency server ay maayos naman at patuloy na tumatanggap ng mga election returns ang central server ng Comelec mula sa mga clustered precincts.
Nilinaw pa ni Guanzon na lahat ng director na kailangan sa transparency server ay naroroon, at talagang makikita naman na walang dayaang naganap.
“At makita mo naman po na walang daya, may central server naman tayo at ‘yun namang central server was working perfectly,” sinabi ni Guanzon sa isang panayam sa radyo.
“‘Yung eight hours na ‘di nagta-transmit sa transparency server ang mga election results, ang reason po doon ay ‘yun pong data packet,” ani Guanzon. “Bawat presinto merong packet file, doon po nagkaproblema. Kaya po na-delay, kumbaga parang na-shock ‘yung system, kasi nag-rush, sabay sabay pumasok ang data.”
Sa isang press briefing sa PICC, sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na nagkaroon ng “bottle neck” sa transmission ng data. na nagresulta ng pagkaantala nito.
Pagsapit ng 5:45 ng umaga ngayong Martes, nasa 92.89 porsiyento na ng mga election returns ang naproseso, ngunit bilang bumaba sa 49.76% bandang 6:00 ng umaga.
Nilinaw naman ng mga opisyal ng Comelec na kaagad nilang inayos ang problema.
Kasabay nito, ipinagmalaki rin ng Comelec na walang naganap na failure of elections, bagamat inaming mas maraming vote counting machines (VCMs) at security digital (SD) cards ang pumalya sa halalan kahapon.
Sa press briefing sa command center ng Philippine International Convention Center (PICC) kahapon ng tanghali, sinabi ni Comelec Chairman Sheriff Abas na wala silang naitalang failure of elections sa bansa sa katatapos na halalan, na natuloy at natapos nang maayos.
Sa taya ng poll body, generally peaceful at tagumpay ang halalan, kahit pa may ilang aberya at kaguluhan na hindi naman maiiwasan.
Inamin naman ng mga Comelec officials na 961 VCM ang nagkaaberya at kinailangang palitan, habang nasa 1,665, o 1.9% ng kabuuang 85,796 SD cards ang pumalya sa kasagsagan ng halalan, at napalitan ang 1,253 sa mga ito, ayon kay Abas.
-Mary Ann Santiago