BILANG bahagi ng pagsisikap na mailapit ang serbisyo sa mamamayan, darayo ang state-run na Mariano Marcos State University (MMSU) sa Dumalneg, isang katutubong komunidad sa siyudad ng Laoag, Ilocos Norte sa Mayo 19 para sa pagdaraos ng College Freshmen Admission Test sa lahat ng interesado na nagtapos ng Senior High School.
Sa isang panayam kamakailan, sinabi ni MMSU President Dr. Shirley Agrupis na malaking bilang ng estudyanteng tutuntong sa kolehiyo ang naghahangad na makakuha ng College Freshmen Admission Test ng unibersidad ngunit ilan sa mga ito ang nabibigo dahil sa kakulangan sa transportasyon at gastusin para makapunta sa campus sa Laoag o Batac, kung saan isinasagawa ang pagsusulit.
“We want as much as possible that Ilocos Norte graduates should benefit from the prime state-funded university so we are bringing CFAT to our IP communities,” ani Agrupis.
Base sa datos ng 2018 College Freshmen Admission Test, sinabi ni Agrupis na tinatayang 6,000 mag-aaral ang kumuha ng online reservation ngunit pagsapit ng araw ng pagsusulit, mahigit 6,000 lang ang sumipot.
“If we cannot bring CFAT to the localities, we will bring the students to MMSU to make sure they experience at least taking the MMSU CFAT,” paliwanag ng MMSU President.
Bilang isa sa mga tanyag at malalaking unibersidad sa hilaga, patuloy ang pagsisikap ng MMSU na palawakin at paunlarin ang mga pasilidad nito, na naglaan ng halos P300 milyon budget para sa pagpapaunlad ng imprastruktura ngayong taon.
Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapaganda at pagpapaunlad sa institusyon, umaasa si Agrupis na kakayanin ng paaralan na tumanggap ng tinatayang 4,000 estudyante sa susunod na pasukan, habang plano rin ng unibersidad na palawakin ang class size mula 25 patungong 40 estudyante.
PNA