HALALAN na ngayon. Itinakda ang araw na ito upang magamit ng mamamayan ang kanilang kapangyarihan na magluklok ng mga taong uugit ng pamahalaan. Sa demokratikong bansa, katulad ng Pilipinas, ang lahat ng kapangyarihan ay nagbubuhat sa taumbayan. Ang gobyerno ay kanilang nilikha upang magamit para sa kanilang kapakanan. Ito ay instrumentong inilaan nila para sa kanilang sarili para itaguyod ang pangkalahatang interes. Kaya, iyong mga taong pinagkalooban nila ng kanilang kapangyarihan ay inaasahang patatakbuhin ang makinarya ng gobyerno para sa ikabubuti ng kanilang kalagayan.
Pero, ang kapangyarihang ito ay may kaakibat na tungkulin. Tungkulin ng mamamayan na pahalagahan ang kanilang kapangyarihan. Hindi basta ginagamit ito nang walang katuturan. Kapag naghalal ng mga taong magpapatakbo ng kanilang gobyerno, siguruhin nila na karapatdapat ang mga ito na paglagakan ng kanilang kapangyarihan. Na ang mga taong ito ay hindi magtataksil at gamitin ang gobyerno para sa kanilang pansariling interes.
Ang lahat ng posisyon sa pamahalaan, mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa ay nilikha ng batas. Kaya, ang lahat ng mga taong inihalal ng sambayanan o mga taong kanilang hinirang o hinirang ng kanilang mga inihalal ay likha ng batas. Kailangan, sa pagganap nila sa kanilang tungkulin o kaya paggamit ng kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng taumbayan, sila ay yumukod sa batas. Alipin sila ng batas at kailanman ay hindi sila dapat mangibabaw sa batas.
Paano ngayon kung ang nagpapatakbo ng gobyerno ay ayaw nang kumilala ng batas? O kaya, ginagamit na nila ang gobyerno para sa kanilang sariling kapakanan? Ayaw na nitong kilalanin na ang kanilang kapangyarihan ay nagbuhat sa mamamayan? Inangkin na at sinarili ang kapangyarihang sadyang sa taumbayan? Ganito ang nangyari noong panahon ng diktaduryang Marcos. Ang taumbayan ay sila na mismo ang gumawa ng remedyo. Bagamat mahirap at madugo, pinalakas at pinag-isa ang kanilang hanay. Gumawa sila ng napakalakas na puwersa, na naging daan para mabawi nila ang kanilang gobyerno.
Ngunit, may mapayapang paraan para magawa ito ng taumbayan. Gamitin nila ang kanilang kalayaan at karapatang magsalita at magsama-sama para ihain nila ang kanilang hinaing sa gobyerno. Palitan ang mga taong umuugit ng gobyerno na sa kanila ay hindi na gumaganap ng tungkulin. Kaya, mayroong halalan.
-Ric Valmonte