Pinaiimbestigahan ni Senator Nancy Binay sa Commission on Elections ang napaulat na napakaraming insidente ng umano’y pagpalya ng mga vote counting machines, na nagdulot ng pagkaantala sa eleksiyon.

BAKIT AYAW? Ipinapasok ni dating Vice President Jejomar Binay ang kanyang balota sa VCM sa San Antonio National High School sa Makati City kaninang umaga. (JANSEN ROMERO)

BAKIT AYAW? Ipinapasok ni dating Vice President Jejomar Binay ang kanyang balota sa VCM sa San Antonio National High School sa Makati City kaninang umaga. (JANSEN ROMERO)

“Nakakabahala na ang nagiging problema sa VCMs and overall process ng pagboto. Hindi ito katanggap-tanggap considering na ilang beses ito tinest ng DoST (Department of Science and Technology),” saad sa pahayag ni Binay. “The Comelec assured us that everything is in order and all the VCMs are in working condition.”

“I call on the Comelec en banc to start investigating ngayon pa lang kung bakit ang daming kaso ng aberya. Ang nangyayaring ito is totally unacceptable,” sabi pa ng senadora.

Cielo Magno, bet masilip Blue Ribbon Committee report na ayaw pirmahan ni Sen. Robin Padilla

Isa ang ama ng senadora na si dating Vice President Jejomar Binay sa mga nabiktima ng pumalyang VCM, makaraang hindi tanggapin ng makina ang balota nito sa walong beses na pagtatangka nang bumoto kaninang umaga.

Kandidato ngayon para kongresista ng Makati, galit na galit namang nagreklamo sa Comelec ang dating Bise Presidente, at dumiretso sa tanggapan ng poll body sa Philippine International Convention Center (PICC).

Pagdating sa PICC, kaagad na nag-usap sina Binay at Comelec Spokesperson James Jimenez hinggil sa nangyari, dahil wala pang mga commissioner ng poll body sa lugar.

Dahil dito, bumalik si Binay sa kanyang polling precinct sa Makati at binigyan siya ng bagong balota, na sa muli niyang pagtatangka ay tinanggap na ng VCM.

Naantala rin ng ayaw gumanang VCM ang pagboto nina Senator Nancy Binay sa San Juan City at Pasig City Councilor Vico Sotto, na kandidato para alkalde, habang sa pangalawang pagtatangka pa tinanggap ng VCM ang balota ni dating Manila Vice Mayor Isko Moreno sa Tondo.

Nag-ulat din ng pagpalya ng mga VCM sa ilang voting center sa Las Piñas City, Bicol, Lanao del Sur, at Davao Region.

Sinabi naman ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na ang mga natanggap nilang reklamo kaugnay ng eleksiyon kahapon ay pawang “usual problems” tuwing halalan.

“For the VCMs malfunctioning, it's the electoral boards who are taking care of that. As per law, they will just make a decision on how it's done and how it is addressed, and so far, we have been receiving reports that everything is being addressed to the satisfaction of a lot of constituents,” ani PPCRV Media Director Agnes Gervacio.

(Hannah Torregoza, Mary Ann Santiago, Jel Santos, Vanne Elaine Terrazola, Erma Edera, Bella Gamotea, Niño Luces, Aaron Recuenco, Antonio Colina IV, at Minka Tiangco)