BOBOTO ngayong araw ang mga Pilipino upang maghalal ng 12 bagong senador, para sa kalahati ng 24 na miyembro ng Senado, kasama ng mga kinatawan ng bawat distrito at party list organization para sa Kamara, at mga opisyal para sa lokal na puwesto. Idinadaos natin ang ating halalan sa panahon na tayo ay mapayapa, at natatamasa ang pag-unlad sa maraming lebel at larangan.
Sa maraming bahagi ng mundo sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang mga kaguluhan at karahasan—ang digmaan sa Syria na tumagal na ng pitong taon, ang bagong umusbong na labanan sa Libya, ang mga pinalilipad na rocket at mga pambobomba sa sa Gaza at Israel, ang mga nagugutom na mamamayan sa mga lansangan ng Venezuela. Libu-libong tao ang naghahangad na makapasok sa Estados Unidos at Europa. Kanselado ang mga pang-Linggong Misa sa Sri Lanka sa gitna ng mga pambobomba na naganap kamakailan sa mga simbahan.
Nakikiramay tayo sa paghihirap ng mga taong ito. Kasabay nito, dapat lamang tayong magpasalamat na maganda ang takbo ng Pilipinas sa maraming larangan, lalo na sa dating magulong bahagi ng Mindanao, at ang pangkalahatang pag-unlad sa ekonomiya ng bansa na kinikilala ng mga pandaigdigang samahan.
Higit sa lahat, dapat tayong magpasalamat na nakapagdaraos tayo ngayon ng halalan. Maghahalal tayo ng mga senador at kongresista na bubuo sa susunod na Kongreso ng Pilipinas, gayundin ang mga gobernador, mayor, at iba pang lokal na mga opisyal na silang magpapatakbo sa libu-libong lokal na pamahalaan sa buong bansa.
May pagkakataon noong nakaraang taon na tinangkang kanselahin ng ilang opisyal ang halalan ngayong araw, upang sa halip ay mapalitan ang pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng pagbabago ng konstitusyon. Sa kabutihang-palad ang mga pagtatangkang ito ay napigilan kaya naman ngayon ay magtutungo tayo sa mga presinto upang maghalal ng bagong mga opisyal na inaasahang magbibigay ng bagong lakas, ideya, at bagong diwa ng serbisyo para sa ating bansa.
Tunay ngang isang biyaya ang ating halalan, isa sa maraming biyaya na dapat nating bilangin habang pinamamasdan ang mundo at iba pang mga bansa na nagdurusa. Umaasa tayo sa ating mga guro at iba pang tauhan ng Comelec na mamamahala sa mga presintong botohan. Tiwala tayo sa puwersa ng ating kapulisan na kaya nitong pigilan ang anumang banta ng paggamit ng karahasan na makakaapekto sa resulta ng halalan.
At higit sa lahat, umaasa tayo sa ating mga botante na gagamitn ang kanilang mahalagang karapatan upang bumoto. Nananawagan din tayo sa kanila na ihalal ang mga opisyal na tunay na karapat-dapat na mamuno sa bansa sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.