MAKASAYSAYAN at mahalaga ang araw na ito sa Pilipinas na may 104 milyong mamamayan. Idaraos ngayon ang 2019 midterm elections na ang taumbayan ay gagamit ng kanilang karapatan at kapangyarihan para pumili ng mga kandidatong karapat-dapat na iluklok sa puwesto para sa kagalingan, kabutihan at kapakanan ng bayan at mga mamamayan.

Ito ang tanging araw na ang mga taong-api at hirap sa buhay ay may kapangyarihan laban sa mga mayayaman, maimpluwensiya at maaangas na pulitiko at kandidato na gumagamit ng tatlong G (guns, gold, goons) o kaya naman ay nanunuyo, kumakamay at parang maaamong tupa na humaharap sa mga botante (sana ay hindi bobotante) para makuha ang kanilang boto.

Sa mga botante (wag sanang bobotante), piliin natin ang mga kandidato na may paninindigan, may prinsipyo at hindi madaling takutin ng powers-that-be. Dapat na ihalal ang mga senador na tatayo at kokontra sa Ehekutibo kapag ang isyu ay tungkol sa kapakanan, kabutihan at kagalingan ng bansa at ng mamamayan.

Ang Senado ay dapat na maging malayang sangay ng gobyerno at hindi dapat pabayutok sa “whims and caprices” ng co-equal branch. Hindi natatakot sa panggigipit at pagbabanta. Ang mga kongresista naman ay dapat na gumawa ng magaganda at mahuhusay na batas, at hindi ang atensiyon ay targetin ang milyun-milyong pork barrel na ipagkakaloob sa kanila ng Malacañang. Kelan kaya mapaparamdam ang tatak nilang “rubber stamp”?

Sa mga manghahalal (hindi mga hunghang), sana naman hindi ninyo ipagbili ang boto na ang magiging sukli at katumbas ay maraming taon ng kapariwaraan ng bayan at ng mga mamamayan. Tandaan natin, ito lang ang araw o okasyon na sinusuyo ng makapangyarihan, mayayaman, at pangahas na pulitiko at kandidato ang ordinaryong mamamayan-- sina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap, Mariang Tindera at Joseng mangingisda.

Bumoto tayo ng sa palagay natin ay makabubuti sa bayan at mamamayan. Ang OTSO DIRETSO ay oposisyon, Ang Hugpong ng Pagbabago (HnP) at PDP-Laban ay sa administrasyon. Sana ay gabayan tayo ng maliwanag na pag-iisip at malinis na konsensiya sa ating pagboto.

Noong Huwebes, pinasigla ng Commission on Elections (Comelec) ang multisectoral na KONTRA BIGAY Task Force, kasunod ng mga report ng vote-buying o pamimili umano ng boto ng mga tiwaling kandidato. Marahil ngayong araw ng eleksiyon, posible pa rin ang pamimili ng mga boto.

Sinabi ni Comelec chairman Sherif Abbas na tumatanggap sila ng mga ulat hinggil sa laganap na vote-buying. Pag-uusigin nila kapwa ang namimili at nagbebenta ng boto. Ayon naman kay Local Government Usec. Jonathan Malaya, naging laganap ang vote-buying dahil nahihirapan ang mga kandidato na dayain ang resulta ng eleksiyon dahil sa paggamit ng Comelec ng vote counting machines (VCMs).

-Bert de Guzman