Mahigit 61 milyong rehistradong botante ang inaasahang boboto bukas.
Sa nasabing bilang, 31.8 milyon ang babae at 30 milyon ang lalaki, at ang malaking bahagi ng mga ito ay edad 50-60, batay sa datos mula sa Commission on Elections.
Pinakamarami ang rehistradong botante sa Region 4A (Calabarzon), na nasa 8,674,351; kasunod ang National Capital Region, na may 7,074,603; at Region 3 (Central Luzon), na may 6,829,659.
Bubuksan sa mga botante ang polling precincts sa ganap na 6:00 ng umaga, at matatapos ang botohan ng 6:00 ng gabi.
Pinahaba ang halalan ngayong taon dahil sa inaasahang karagdagang limang minuto sa proseso sa unang beses na paggamit sa Voter Registration Verification System (VRVS).
Gagamitin ang VRVS sa lahat ng polling precincts sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, Maynila, at Quezon City; at sa ilang voting precincts sa Pangasinan, Cavite, Nueva Ecija, Cebu, Negros Occidental, Zamboanga del Sur, at Davao del Sur.
May kabuuang 43,554 na kandidato naman ang maglalaban-laban para sa 18,072 puwesto.
Animnapu’t dalawa ang maglalaban-laban para sa 12 senador; 134 sa party-list; 633 para kongresista; 273 para gobernador; 185 para bise gobernador; 1,733 para bokal; 415 para city mayor; 336 para city vice mayor; 3,765 para city councilor; 3,571 para municipal mayor; 3,282 para municipal vice mayor; at 29,299 para municipal councilor.
Samantala, sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Spokesman James Jimenez na inaasahang sa loob ng dalawang linggo pagkatapos ng halalan ay maipoproklama na ang mga nanalong senador at party-list.
Para naman sa proklamasyon ng mga nanalo para sa mga lokal na posisyon, inaasahang gagawin ito sa loob ng 24-36 oras matapos ang botohan.
-Leslie Ann G. Aquino