GINIBA ng perennial UAAP women’s champion National University ang University of the East, 74-40, nitong weekend sa women’s division ng 25th Fr. Martin’s Cup Summer League sa pagtataguyod ng Resorts World Manila sa SGS Stadium sa Quezon City.
Kaagad na humaribas ang Lady Bulldogs sa first quarter para maitarak ang double digit na bentahe tungo sa dominanteng panalo.
Nanguna si Rhena Itesi sa NU sa naiskor na 14 puntos.
Sa juniors division, nawagi ang Adamson at San Sebastian sa kani-kanilang karibal.
Ginapi ng Baby Falcons ang La Consolacion-Manila Junior Royals, 89-78.
Hataw si JM Erolon sa Adamson sa nakubrang 19 puntos.
Nabalewala naman ang 26 puntos ni Christian Alonzo sa LaCo.
Nanaig naman ang Staglets sa NCAA rivals Arellano Braves, 72-66.
Tinuldukan ng San Sebastian ang panalo sa impresibong 15-2 run para palawigin ang kapit sa pitong puntos na bentahe.
Kumana si Dave Baio ng 14 puntos sa Staglets, habang tumipa si Ivan Salinel ng 15 puntos sa Braves.