Dalawang araw bago ang eleksiyon, patuloy na nakapagtatala ng mga insidente ng vote-buying at selling sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at 19 na katao pa ang naaresto sa nakalipas na dalawang araw dahil dito.
Iniimbestigahan ng Commission on Elections (Comelec) ang umano’y vote-buying incident ng mga kaalyado ni Senador Manny Pacquiao sa Kiamba, Sarangani.
Ayon kay Jose Alvin Quinanola, election officer ng Kiamba, ito ay tugon ng Comelec sa inihaing reklamo ng non-government organization na Anti-Crime Community Emergency Response Team (ACCERT), na pinamumunuan ni Pastor Rey Pajar.
Nag-ugat ang reklamo nang masamsam ang dalawang sako ng bigas habang ito ay ibinibiyahe ng mga tagasuporta ng isang board member sa Barangay Kapate sa nabanggit na bayan.
"The rice were repacked in small plastic cellophanes weighing three kilos each which were inserted with sample ballots and campaign paraphernalia of a board member and vice mayor who is running for mayor under the ticket of PCM," ayon kay Pajar.
Pitong katao naman ang inaresto sa umano’y vote-buying sa Iloilo City.
Unang inaresto ang apat na katao sa bayan ng Ajuy, nitong Biyernes ng hapon. Kinilala ang mga inaresto na sina Fe Padios Durban, Nemia Parreno Arellado, Solomon Roncales Unay, at Edwin Bactong Yamson sa Bgy. Poblacion. Nakumpiska sa kanila ang mga puting sobre, cash, at listahan ng mga botante.
Tatlo pa ang naaresto sa Barotac Nuevo sa umano’y pagbebenta ng boto. Sila ay sina Robert Araquel, Leticia Cataluña, at Rolly Tolin. Narekober sa ang mga sobreng naglalaman ng P1,000 at sample ballot.
Huli naman ang apat na katao sa umano’y vote-buying sa M’lang North Cotabato, iniulat ngayong Sabado.
Kinilala ang dalawa sa apat na sina Joel Bolero at Dafielmoto Pasquin, kapwa nasa hustong gulang.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, nakuha umano sa apat ang P206,600 na cash, na pinaniniwalaang gagamitin sa pagbili ng boto.
Isa ring insidente ng vote-buying ang iniulat sa Maragondon, Cavite.
Ito ang kinumpirma ni Cavite Election Supervisor Arnulfo Pioquinto, na nagsabing ito ang pinakahuling insidente na naisuplong sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila.
Inaresto naman ang isang head area coordinator at limang iba pa sa umano’y vote-buying sa Muntinlupa City, ngayong Sabado.
Kinilala ang dalawa sa mga inaresto na sina Luis Argana, Jr., nasa hustong gulang, head area coordinator; at Alma Comora, 42.
Nasamsam sa grupo ni Argana ang mga sobre na naglalaman ng tig-P300 at P500, mga sample ballots, flyers, at listahan ng mga botante.
Dinala ang anim sa Camp Bagong Diwa, Bicutan sa Taguig.
Dinakma rin ang tagasuporta ng isang local candidate na umano’y bumibili ng boto sa Malabon City, nitong Biyernes.
Kinilala ang nadakip na si Joel Adora, 48, ng No. 10 Burgos Street, Barangay Concepcion sa nasabing lungsod.
Nakuha sa suspek ang mga puting envelope, na may lamang P300 bawat isa; 15 piraso ng resibo na nakapangalan sa isang konsehal; at mga listahan ng mga botante.
Joseph Jubelag, Tara Yap, Fer Taboy, Anthony Giron, Bella Gamotea, at Orly L. Barcala