MAGHAHALALAN tayo na nasa ilalim ng martial law ang buong Mindanao. Matapos gibain ng administrasyong Duterte ang Marawi City dahil umano’y pinamumugaran ng mga terorista, hindi pa nakabalik ang mga likas na naninirahan dito.
Nakakalat sila, pero iyong mga walang kamag-anak na masasakuban ay nasa pansamantalang tirahan na gawa ng gobyerno. Hindi pa kuntento ang administrasyon, inilagay ang buong Mindanao sa ilalim ng Comelec control. Marami nang bahagi ng bansa ang isinailalim sa Comelec control dahil “hot spot” ang mga ito, ayon sa Philippine National Police (PNP). May mga narco-list at matrix na inilabas ang administrasyon. Unang-una, ang listahan ng mga alkalde, kongresista, at iba pang pulitiko na umano’y sangkot sa droga. Hindi nagtagal, listahan ng mga artista. Kaya may mga balita na may mga artistang inimbitahan ng Malacañang para makipag-dinner sa Pangulo. Sila kaya ay nasa narco-list? May mga larawan nga na pagkatapos mag-dinner, lumabas sa ilang pahayagan ang larawan na magkasama ang mga artista at si Pangulong Digong. Ngayon, may matrix na namang inilabas si Presidential Spokesperson Salvador Panelo hinggil sa sabwatan ng mga taong sinisira ang administration para isulong ang kandidatura ng mga nasa oposisyon. Ayon kay Panelo, inatasan siya ng Pangulo na isapubliko ito. Iyong unang matrix, hindi alam ni Panelo kung saan galing, pero inilabas pa rin niya ito.
Sa unang matrix, iniugnay sa “Oust-Duterte” ang National Union of People’s Lawyers (NUPL), online news outfit Rappler, fact-checker Vera Files at Philippine Center for Investigative Journalism. Pinalawak ang sakop ng huling matrix at isinama sa sabwatan sina Communist Party of the Philippines founder Jose Maria Sision, Sen. Antonio Trillanes IV, Magdalo Rep. Gary Lejano at mga kaalyado sa Liberal Party. Ang mga ito, aniya, ay nasa likod ng pagpapalabas ng “Bikoy” video. “Hindi katawa-tawang bagay ito dahil mayroon itong grabeng kahulugan at epekto sa seguridad, kalayaan at maging sa buhay ng mga pinangalanan sa matrix,” wika ni NUPL Secretary Geneval Ephraim Cortez.
Kaya sa mga ginagawang ito ng administrasyon, hindi tabla ang laban. Magaling manakot, manlamang at manloko ang administrasyong Duterte para makaisa sa kanyang mga kalaban. Pero, kapag sinuri ang kanyang ginagawa, ang mamamayan ang kanyang pinupuntirya. Hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay, ika nga. Kapag bumigay ang mamamayan sa mga paraang ito ng Pangulo at inihalal ang mga kandidatong kanyang iniendorso, humanda sila sa mga susunod pa niyang gagawin. Nais ba nating maganap muli ang nakaraan na nalinlang at natakot ang mamamayan sa martial law, kaya nang manibasib na ito, maraming namatay, bumaha ng dugo at maraming nangawala. Magbibilang na naman ng taon upang makawala ang bayan sa ganitong uri ng pamamahala.
-Ric Valmonte