Tinuldukan na ng Philippine National Police ang alegasyon na ang television personality na si Gretchen Ho at ang Olympic medalist Hidilyn Diaz ay bahagi ng umano’y ouster plot laban kay Pangulong Duterte.

"Sa ngayon, base sa record check wala tayong nakikitang nag-uugnay... walang ebidensya na si Hidilyn Diaz at Gretchen Ho ay kasama sa magtatangkang magpapaalis sa pamahalaan," ayon kay Police Colonel Bernard Banac, PNP spokesperson.

Gayunman, sinabi niya na patuloy ang mga operatiba sa "continuous" monitoring at pangangalap ng impormasyon upang beripikahin ang lahat ng personalidad na sangkot sa pinakabagong matrix na inilabas ng Malacañang nitong linggo.

"Mandato ng PNP na alamin o tingnan ang information na maaring nag-uugnay sa kanila pero sa ngayon wala namang kaming nakikita. Patuloy ang investigation na ginagawa," diin ni Banac.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nitong Miyerkules, Mayo 8, inilabas ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang matrix, na nagpapakita ng mga personalidad at grupo na sangkot umano sa pagpapatalsik kay Pangulong Duterte.

Kabilang ang mga personalidad na inakusahang nakipagtulungan kay "Bikoy," ang lalaki sa likod ng "Ang Totoong Narco-list" videos, na nagsasangkot sa pamilya ni Duterte at dating aide nito sa illegal drug trade.

Kabilang sa mga personalidad sa matrix ay sina Ho at Diaz, na kapwa pinabulaanan ang pagkakasangkot sa "Oust Duterte" plot, si Liberal Party, Magdalo, at communist leader Jose Maria Sison, at iba pa.

Martin A. Sadongdong