ANG daming project ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), na parang buwan-buwan ay may ganap ang ahensiya ni Chairperson Liza Diño, at wala siyang kapaguran na bumisita sa iba’t ibang bansa para ipakilala ang mga Filipino film production companies sa global platform.

DIREK DAN VILLEGAS copy

Tulad sa Mayo 15-21, napili ang Pilipinas bilang Spotlight Country ng Cannes Producers Network ng Marché du Film.

Ang Marché du Film ang pinakamalaking film market sa buong mundo na ginaganap kasabay ng Cannes Film Festival. Bahagi ng film market na ito ang Cannes Producers Network, isang exclusive na producers-only event na tinitipon ang producers mula sa buong mundo. Magkakaroon ng pagkakataong makipag-network ang producers sa international partners at makakuha ng oportunidad para sa international film co-productions.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Sa spotlight event ng Cannes Producers Network para itampok ang Pilipinas sa Mayo 21, itatanghal ng FDCP ang mga sumusunod na spotlight companies sa mahigit 300 international partners, kasama na ang pinakamalalaking film industry players sa bansa: APT Entertainment, Inc., Globe Studios, The IdeaFirst Company, Spring Films, at TEN17P. May special participation din dito ang ABS CBN Films, ang pinakamalaking film production outfit sa Pilipinas, na Guest of Honor ng event.

Suportado rin ng FDCP ang mga sumusunod na promising producers na kasali sa event, pati na rin ang kanilang latest projects para sa international co-production: Monster Jimenez ng Arkeofilms, Treb Monteras ng Dogzilla, Maria Madonna Tarrayo ng UXS, Inc., Dan Villegas ng Project 8 corner San Joaquin Projects, Kriz Anthony Gazmen ng Black Sheep, Michaela Tadena ng Media East Productions, Pamela Reyes ng Create Cinema, at Arleen Cuevas ng Cinematografica Films.

“This is our second year as the Spotlight Country at the Producers Network and we are honored to have the opportunity to showcase our voice in the international film scene through the biggest film market and one of the most prestigious film festivals in the world,” ani Ms Liza.

“Cannes is an exceptional platform for our filmmakers and film companies to share our stories to global audiences, and we can’t wait for them to collaborate with filmmakers from all over the globe and help them turn their dream film projects into reality through international co-productions.”

Tampok din ang producers at production companies sa Marché du Film Pavilion ng Pilipinas sa Village International Riviera mula Mayo 14 hanggang 23, 2019. Kasama rin dito ang BlackOps Studios Asia, Concept One, Epicmedia, Rocketsheep Studio, Sine Olivia Pilipinas, TBA Studios, Unitel Productions, Inc., at Visioncapture para bumuo ng partnerships at makipag-network sa content buyers at sellers.

Taun-taong lumalahok ang FDCP sa Marché du Film at sinusuportahan ang Philippine delegation ng film market at ng film festival. Ngayong taon, magho-host ang FDCP ng Marché du Film Pavilion kasama ang Singapore Film Commission.

Ang Philippine Pavilion ay nasa Pavilion 114 ng Village International Riviera. Ang Cannes Film Festival ay gaganapin sa Mayo 14-25, 2019, samantalang ang Marché du Film naman ay sa Mayo 14-23, 2019.

Sa ginanap na presscon ng send-off para sa mga delegado ay ipinaliwanag ng mga film producer na kaya rin sila interesado sa project na ito ay para makalikom ng pam-produce ng mga pelikula.

Ipinaliwanag din na may mga indie films na mas nauunang ipalabas sa ibang bansa bago ipalabas sa Pilipinas para raw pagdating dito ay mas pinag-uusapan na ito.

Itinanggi naman ni Direk Dan Villegas na dying na ang movie industry ngayon, dahil noong nagtapos siya ng kolehiyo ng taong 2005 ay ito ‘yung panahong mahirap kumita ang mga pelikula.

“Kung talagang dying na po ang movie industry ngayon bakit maraming trabaho sa paggawa ng pelikula? Bakit ang dami-daming independent film producers?” paliwanag ng direktor ng teleseryeng Sino Ang May Sala? Mea Culpa, na umeere ngayon sa ABS-CBN pagkatapos ng The General’s Daughter.

Halos ganito rin ang pahayag ng ilang film producers na dumalo sa send-off presscon na sponsored ng FDCP.

-REGGEE BONOAN