Handa ang mga tauhan ng Philippine National Police na humalili bilang electoral boards sakaling mag-back out ang mga guro sa electoral duties, dahil 2,838 pulis ang sinanay na ng Commission on Elections para maging substitute.

SERBISYO Dumalo sa misa ang mga pulis bago ang send-off ceremony sa CCP sa Pasay City, ngayong Sabado. Libu-libong pulis ang ipakakalat sa Lunes para tiyakin ang seguridad ng halalan. MARK BALMORES

SERBISYO Dumalo sa misa ang mga pulis bago ang send-off ceremony sa CCP sa Pasay City, ngayong Sabado. Libu-libong pulis ang ipakakalat sa Lunes para tiyakin ang seguridad ng halalan. MARK BALMORES

Ayon kay Col. Bernard Banac, PNP spokesperson, hindi pa sila nakatatanggap ng kumpirmadong ulat hinggil sa mga guro na tumatangging maglingkod sa halalan sa Lunes.

“The PNP will wait for instructions from Comelec but we are ready to respond and provide replacements should the need arise," sinabi ni Banac sa BALITA.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

"We have 2,838 cops who were trained by the Comelec for this purpose," aniya.

Sa nasabing bilang, 500 ang itinalaga sa Mindanao, na isinailalim sa Red category, ayon kay Banac.

Sinabi naman ni Banac na mas mapayapa at maayos ngayon ang sitwasyon, kumpara sa mga nakaraang halalan.

Simula Enero 13 hanggang ngayong Sabado, Mayo 11, nakapagtala na ng 40 election-related violent incidents sa bansa, base sa datos ng PNP-National Election Monitoring Action Center (NEMAC).

Mas mababa ito sa 106 pre-election incidents noong 2016, at 94 noong 2013.

Nagpapatupad ang PNP ng full alert status sa buong bansa para sa halalan.

BAN SA KAMPANYA, ALAK

Kasabay nito, inulit ngayong Sabado ng Comelec ang paalala nito na bukas ay mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng pangangampanya, at ang pagbili at pagbebenta ng alak.

“Campaigning is not allowed on Sunday, so let’s have a little quiet for now. Let us allow the voters to decide without hearing the campaign jingles repeatedly,” ani Comelec Spokesman James Jimenez.

“Bawal na rin ang magbenta at uminom in public ng mga inuming nakakalasing,” dagdag niya.

May parusa na hanggang anim na taong pagkakabilanggo ang lalabag sa liquor ban—na epektibo hanggang 12:00 ng umaga ng Martes, Mayo 14—alinsunod sa Comelec Resolution No. 10461.

“You can sell liquor or consume liquor only if you have an exemption. This is for tourist destinations,” paliwanag ni Jimenez.

“Sa loob ng bahay puwede (uminom ng alak), basta huwag lalabas, and huwag din kayong magbitbit ng alak sa labas,” dagdag niya.

RANDOM MANUAL AUDIT

Samantala, sa Miyerkules, Mayo 15, o dalawang araw matapos ang eleksiyon, sisimulan ng Comelec ang pagsasagawa ng Random Manual Audit (RMA) sa mga boto.

Ayon kay Comelec Commissioner Luie Tito Guia, na head ng RMA Committee, mamimili sila sa 715 polling precincts sa mga munisipalidad at lungsod na pagkukuhanan ng sample para sa proseso.

Nabatid na tanging mga boto lang sa pagkasenador, kongresista, at mga alkalde ang bibilanganin ng Comelec.

Sa ilalim ng RMA, manu-manong bibilangin ang mga boto mula sa mapipiling polling precincts upang matukoy kung tumutugma ito sa automated count ng mga Vote Counting Machine (VCM), sa ilalim ng Automated Election System (AES).

Martin A. Sadongdong, Minka Klaudia S. Tiangco, at Mary Ann Santiago