Angpaalala sa mga tao sakaling tumama ang isang lindol ay ang “Duck, cover, and hold.” Magtago sa ilalim ng isang matibay na bagay tulad ng lamesa, takpan o protektahan ang iyong ulo, at panatilihin ito hanggang sa tumigil ang pagyanig.
Gayunman, hindi ito umubra sa mga nasawi nang gumuho ang isang apat na palapag na Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga, sa kasagsagan ng pagtama ng 6.1 magnitude na lindol na naramdaman sa iba’t ibang bahagi ng Luzon noong Abril 22. Nagdulot ang lindol ng pagguho ng gusali sa loob lamang ng pitong segundo, dahilan upang mawalan ng panahon ang mga biktima na makalabas.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa kalidad ng materyales na ginamit sa pagtatayo ng apat na palapag na gusali. Nananatili ang mga ulat mula sa Philippine Iron at Steel Institute, ayon kay dating Senador Joey D. Lina, patungkol sa lantaran umanong pagbebenta sa maraming probinsiya sa Luzon ng mga mababang kalidad o substandard na mga bakal at ginagamit sa mga proyektong konstruksiyon.
Nanawagan sina Rep. Alfredo Bantug Benitez ng Negros Occidental, pinuno ng House Committee on Metro Manila Development, at Rep. Winston Castelo ng Quezon City, pinuno ng House Committee on Housing and Urban Development, para sa isang masusing pagsiyasat sa lahat ng mga matataas na gusali sa bansa na itinayo sa nakalipas na sampung taon, upang masiguro ang katatagan ng mga ito.
Hiniling nila sa Department of Trade and Industry at ibang sangkot na ahensiya na siyasatin ang umano’y ‘mislabeling’ ng mga bakal ng ilang gumagawa at inirekomenda ang pagsasampa ng kaso laban sa mga kontratista at mga may-ari ng gusali, gayundin ang mga gumagawa ng mababang kalidad na materyales, kung makita ang mga paglabag sa pagsusuri. “The current testing process for steel bars by the DTI should be strengthened and ramped up to international standards,” dagdag pa nila.
Magpapatuloy naman ang mga regular na pagsasanay sa Metro Manila at mga kalapit na probinsiya upang makatulong sa paghahanda ng publiko sakaling maranasan ang pagtama ng pinangangambahang 7.2 magnitude na lindol na tinatawag na “Big One”. Makatutulong din ang “duck, cover and hold” para mabawasan ang pinsala o bilang ng pagkasawi.
Ngunit higit sa paghahanda ng mga tao para sa malaking lindol, kinakailangan ang sistematikong inspeksiyon ng maraming gusali na nakatayo sa Metro Manila upang masiguro na matibay ang mga ito. Dapat din itong pumasa sa proseso ng pagsusuri sa mga bakal ng DTI sa international standard, upang masiguro na ligtas ang mga ito sakaling tumama man ang malakas na lindol.