NAGBINATA akong ‘di pinapansin ang Mother’s Day, na natatandaan kong tuwing unang Lunes ng Disyembre ipinagdiriwang dito sa atin habang ikalawang Linggo ng Mayo sa ibang bansa. Nang maupo si Corazon C. Aquino bilang pangulo noong 1986, agad niyang nilagdaan ang Proclamation 266, na nagtatakda sa Mother’s Day tuwing ikalawang linggo ng Mayo—at ito ang ipinagdiriwang natin ngayon.

Wala akong pakialam noon sa Mother’s Day. Bata pa ako nang maulila sa INA at lumaki na tanging AMA ang kaagapay sa buhay. Ang nakatatanda kong mga kapatid ay abala sa kanilang pag-aaral—kaya sariling kayod ako hanggang makatuntong sa kolehiyo at makapag-aral sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) kung saan ko nakilala si Aymi— ang babaeng nagmulat sa akin sa kahalagahan ng INA sa isang pamilya.

Graduating ako sa kursong Electrical Engineering habang si Aymi ay empleyada na sa Department of Labor & Employment (DoLE). Una siyang naka-graduate at dalawang kurso ang natapos niya - Mass Communication at kursong kung tawagin ng mga barkada ko ay “Buntistry”, buntis na kasi si Aymi noon!

Magkasabay kami palagi umalis sa bahay dahil magkatabi lang ang PLM at DoLE sa Intramuros, Maynila. Ako papasok sa school at siya naman ay sa work. Sa mga libreng oras ay sumasaglit ako sa mga boutique sa C. M Recto, sa Quiapo para isingit ang aking sideline, ang pag-aahente ng T-shirt na siya kong pinagkakakitaan.

Araw-araw kaming ganito – hanggang sa dumating ang takdang sandali – ang paglabas sa sandaigdigan ng aming panganay na noong panahon na iyon, iluluwal na lamang ang baby ay hindi mo pa alam kung babae ito o lalaki.

Tandang-tanda ko pa, Nobyembre 18, 1976, Huwebes ng umaga, paalis kami ni Aymi patungong Intramuros nang sumakit ang kanyang tiyan. Nag-taxi kami papuntang Galang Maternity Clinic sa may Batangas Street sa Tundo. Si Doctor Juan S. Galang, ang may-ari ng ospital, ang sumalubong sa amin. Siya mismo ang OB-GYNE ni Aymi.

Dumiretso kami sa delivery room. Matapos ang ilang minuto niyang pag-check-up kay Aymi, hindi na niya ako pinalabas sa kuwarto at sa halip ay pinatayo niya ako sa gilid ng kama at inutusan niya si Aymi na kumapit sa aking mga braso.

Ilang minuto kami sa ganoong kalagayan. Nakikita ko at nararamdaman ang sakit at paghihirap ni Aymi na kahit na patuloy ang pagle-labor ay hindi ko nakaringgan ng kahit bahagyang impit na pagdaing sa sakit na nakikita at nararamdaman ko na tinitiis niya!

Maya-maya pa ay narinig ang malakas na tili sa buong delivery room, kasunod nito ang matinis na pag-uha ng sanggol – ang aming panganay na nilagyan agad ng name tag na “Baby Veridiano”, na kalaunan ay tinawag naming Jojo – si Engr. Daniel V. Veridiano, Jr.

‘Di ko makakalimutan ang pangingilid ng luha sa mga mata ni Aymi. Ngumiti siya, buong pagmamahal ko siyang dinampian ng halik sa mga labi, bago siya pumikit upang manapa’y makapagpahinga muna.

Hinarap ako ni Doctor Galang, kinamayan sabay tanong na: “Bakit ang lakas naman ng tili mo? Ke misis wala man lang akong narinig ni bahagyang ungol.”

‘Di agad ako nakasagot kay Doctor Galang—totoo ang sinabi niya dahil ako talaga ‘yung napatili nang malakas, at hindi si Aymi!

Ang dahilan - ipinakita ko na lamang kay Doctor Galang ang apat na malalalim na sugat sa aking braso na likha ng bumaong mga kuko ni Aymi habang iniluluwal niya ang baby.

Napangiti si Doctor, kasabay nang pagtapik sa aking balikat ay sinabi niyang: “Umpisa pa lang ‘yan sa mga hirap na kayang tiisin at titiisin pa ng isang INA para masubaybayan ang paglaki ng baby ninyo.”

Simula noon at magpahanggang ngayon ay saksi ako sa lahat ng pagpapakasakit ni Aymi para sa aming mga anak, para sa aming mga apo at para na rin sa may pinakamatigas na ulo sa Team Veridiano... sino pa, eh ‘di ako!

HAPPY MOTHER’S DAY sa lahat ng mga INA sa mundong ibabaw!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.