TAMANG pag-shade at pag-iwas sa labis na pagboto ang dalawang bagay na kailangang tandaan ng mga botante upang maging mabilis ang proseso ng kanilang pagboto, paalala ng Commission on Elections (Comelec) kamakailan.
Sa Lunes, Mayo 13, mula alas sais ng umaga hanggang alas sais ng hapon, magbubukas ang halalan para sa lokal at pambansang posisyon matapos ang apat na buwang panahon ng kampanya na nagsimula noong Pebrero 12 para sa pambansang posisyon at Marso 29 para sa lokal na puwesto.
Sa isang talakayan para sa pagbibigay ng kaalaman sa mga botante sa Quezon City, ipinaalala ni election officer Stephanie Bag-In na dapat tandaan ng mga botante na i-shade ng buo at tama ang bilog sa tabi ng pangalan ng kanilang napiling kandidato at iwasan ang labis na pagboto dahil hindi ito tatanggapin ng vote counting machine (VCM).
Para sa mga senador, maaari lamang pumili ang mga botante ng hanggang 12 kandidato o mas bababa rito. At bagamat may 59 na puwesto nakalaan para sa mga party list, isa lamang ang maaaring piliin ng botante.
Ayon sa Comelec, sa kasalukuyan may kabuuang 61,843,750 na aktibong rehistradong botante sa Pilipinas.
Magsisimula naman ang proseso ng pagboto sa paghahanap ng botante ng kanyang pangalan sa Posted Computerized Voters List (PCVL) sa mga paaralan o lugar ng botohan, dito makikita ang bilang ng presinto at kung pang-ilan siya sa listahan.
Susundan ito ng beripikasyon, matapos matiyak ng miyembro ng electoral board (EB) ang identidad ng botante at matingnan kung may marka na ng indelible ink ang daliri nito.
Sa ilang mga lugar kabilang ang Manila, Quezon City, Caloocan City, Pangasinan, Nueva Ecija, Cavite, Iloilo, Cebu, Negros Occidental, Zamboanga del Sur, Misamis Oriental, Davao Del Sur, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, gagamitin ang Voter Registration Verification Machine (VRVM) ang matukoy ang identidad ng botante.
Kapag natiyak na ang identidad ng botante, kailangang lumagda ng botante sa Election Day Computerized Voters List (EDCVL).
Kasunod nito, maaari nang punan ng botante ang balota at isalang ang kanyang boto sa VCM.
Bilang paghahanda sa halalan, sinabi ni Bag-In na halos lahat na ng mga Comelec’s field offices ay handa na para sa itinakdang oras ng main office.
“So far, it’s very smooth and ongoing,” aniya.
PNA