Nagpaalala ang Commission on Elections sa publiko na magsisimula na ang pagpapatupad ng liquor ban sa Linggo, Mayo 12, bisperas ng eleksiyon, isang araw makaraang magtapos ang panahon ng kampanyahan bukas, Sabado.
Ayon sa Comelec, dakong 12:01 ng umaga ng Linggo magsisimula ang liquor ban, at ipaiiral hanggang sa buong araw ng halalan sa Lunes.
Sinabi ng poll body na sa nasabing mga araw, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta, pagbili, at pag-inom ng mga nakalalasing na inumin.
Mahigpit na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang araw na liquor ban, at inatasan na ni PNP Chief Oscar Albayalde ang lahat ng regional directors sa nasabing implementasyon.
Ipinag-utos din ni Albayalde ang pagsasagawa ng checkpoint sa araw ng halalan upang mabantayan ang mga balota laban sa ballot snatching, partikular sa mga liblib na lugar sa mga lalawigan.
Kasabay nito, mahigpit na ring ipagbabawal ang pangangampanya ng mga kandidato sa Linggo, bisperas ng botohan.
Batay sa calendar of activities ng Comelec, ang campaign period para sa midterm polls ay hanggang sa Sabado (Mayo 11) na lang.
-Mary Ann Santiago at Fer Taboy