HINDI bago sa atin ang Larong Tudasan (hindi patayan) sa pulitika. Ang hindi makakalimutang kaso nito ay naganap noong 1992 nang halos tiyak nang panalo si House Speaker Ramon Mitra, Jr. sa pagka-pangulo ngunit biglang nalusaw ang inaasahan ng lahat.
Biglang naglaho ang inaasahang panalo ni Mitra nang ilang araw bago ang halalan, sumabog ang paratang na ginamit niya ang mga pasilidad ng Kamara para sa kanyang mga pangkampanyang gamit. Dahil sa tindi at init ng propaganda laban sa kanya, hindi na nakabawi si Mitra, Si Gen. Fidel Ramos ang nanalo.
Isang linggo bago ang halalan sa ika-13 ng Mayo, may mga kahalintulad nito ang naganap. Una, biglang lumitaw si Peter Joemel Advincula, ang “Bikoy” sa iskandalong “Ang Totoong Narcolist.” Humarap siya sa Integrated Bar of the Philippines at hiniling niya ang tulong nito. Kaagad siyang pinasinungalinan ng Malacañang at iniugnay sa Oposisyon, ngunit humanga ang publiko sa tapang niya. Hindi pa tiyak ang kahihinatnan ng kasong ito dahil sa ilang kaganapang nangyayari.
Sa Davao City, naghain ng kasong “plunder” sa Ombudsman si Jeffrey Lopez Cabigon, dating alalay ng pinatalsik na si House Speaker Pantaleon Alvarez at Edwin Jubalib, kandidato sa pagka-gobernador ng Davao del Norte, laban sa kanyang boss.
Pangatlo, walang habas na pinatalsik sa tungkulin si Malay, Aklan Mayor Ceciron Cawaling dahil sa umano’y mga maling pangangasiwa niya sa Boracay na bahagi ng Malay. Pinatalsik siya habang naghahanda siyang umupong muli bilang mayor pagkatapos ng anim na buwang pagkakasuspinde.
Agad na naghain si Cawaling ng “motion for reconsideration.” Sa isang press conference noong Linggo, nilinaw ng abugado niyang si Atty. Jose Roderick Fernando na nananatling reelectionist si Cawaling at inulit ang pahayag ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na maaari pa ngang kumandidato ang Mayor dahil walang batas na nagbabawal nito.
Ipinahayag din ni Fromy Bautista, ang katambal niya sa pagka-vice mayor at ng buong kampo nila na buong-buo ang suporta nila kay Cawaling.
Malakas ang simpatya sa kanya ng mga taga-Malay dahil itinuturing nilang garapal na pulitika ang pagsuspende at pagpapatalsik sa kanya.
Sinabi naman ni Cawaling na kung siya’y mananalo, sisikapin niyang maging unang lungsod ng Aklan ang Malay, at pananatilihing kaakit-akit at kapuri-puri ang Boracay.
Hiniling din ni Cawaling sa mga taga-Malay na manatili silang kalmado at sundin ang lehitimong mga utos ng mga may kapangyarihan. Dapat malalim ang pananaw natin sa Larong Tudasan sa pulitika.
-Johnny Dayang