MARAMI ang na-inspire sa ibinahaging speech ng beteranong writer na si Ricardo “Ricky” Lee sa Philippine International Convention Center (PICC), matapos siyang tumanggap ng Doctorate in Humanities Honoris Causa mula sa Polytechnic University of the Philippines, nitong Miyerkules.

Ricky copy

Sa kanyang speech, isinalaysay niya ang kanyang naging karanasan sa buhay bago niya maabot ang kanyang mga pangarap. Lubos din ang pasasalamat niya sa PUP, dahil sa edad na 72 ay nakatanggap na siya ng degree.

“Akala ko ‘di na ako ga-graduate. Ilang dekada ko rin itong hinintay. Masasabi ko na ngayong graduate na ako. Nakatoga pa,” aniya.

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

“Mahalaga sa akin ang edukasyon. Noong grumaduate ako ng high school sa Daet sa Bicol, lumayas ako sa mga nag-ampon sa akin dahil hindi nila ako kayang pag-aralin sa college dito sa Maynila. Nakapag-aral ako sa UP Diliman ng AB English pero hindi rin ako naka-graduate. Napilitan akong tumigil dahil nag-Martial Law at pinili ko ang masangkot sa pinaniniwalaan ko,” dagdag pa niya.

Nagbigay siya ng tatlong mahahalagang payo sa kanyang talumpati at, muli niyang naalala ang kulang na silya na nagbigay-inspirasyon sa kanyang ipagpatuloy ang kanyang pangarap.

“Nang lumayas ako sa Daet noon at sumakay ng bus papuntang Maynila, may kasama akong apat na kaklaseng puro mahihirap din. Hindi namin alam kung saan kami titira, kung ano ang magiging trabaho namin, kung ano ang naghihintay na kapalaran sa amin. Ang alam lang namin, punung-puno kami ng mga pangarap.

“’Di nagtagal nagtrabaho sa pabrika ng payong ang tatlo sa amin. Kami naman ng isa ko pang kasama ay naging waiter sa isang pizza parlor sa Pasay. Umarkila kami ng maliit na apartment. Aapat lang ang silya namin kaya, kapag kumakain kami ay laging may isang nakatayo.

“Habang nakatingin ako sa kasamahan naming nakatayong kumakain, ipinangako ko sa sarili ko, balang araw makukumpleto ang silya.

“’Di nagtagal ay ‘di nakaya ng mga kasamahan ko ang trabaho nila sa pabrika. Lagi silang nagsusuka pag-uwi dahil sa kinakain doon. Nagkahiwa-hiwalay kaming lima, at kasabay ng iba pang mga gamit na naipundar namin ay ibinenta namin ang apat na silya. Bitbit namin ang maliit na kahon ko ng mga damit, inihanap nila ako ng Bikolanong puwede kong pakitirahan.

“Working student ako all throughout college. Nag-salesman ako, accounting clerk, tutor, student assistant, proofreader at kung anu-ano pa. Tinanggap ko na, na sa buhay na ito ay laging hindi kumpleto ang silya. Hindi nakaabang ang mundo para ibigay sa’yo ang lahat ng kailangan mo. Hindi ka entitled. You have to be resourceful. You have to work hard. Kailangan mong pagtrabahuhan ang kulang na silya.

“May panahon noon na buong araw akong nagtatrabaho sa isang factory sa Del Monte, tapos mag-aaral ako sa gabi sa Lyceum. Para makapagtipid ay hindi ako kumakain ng hapunan, at bandang mga alas nuwebe ng gabi ay nilalakad ko lang pauwi mulang Lyceum hanggang Aranque kung saan nakikitira ako doon sa mag-asawang Bikolano. Minsan ay hinimatay ako sa gutom sa Avenida. Mga five minutes siguro akong nag-black out bago ako nagkamalay.

“Maraming mga okasyong gaya noon na bumabagsak ako. Iyon bang parang madilim at wala nang pag-asa ang lahat. Iniisip ko lang ang kulang na silya sa apartment at lumalakas na uli ang loob ko, nakakabangon uli ako.

“Ngayong graduate ka na, papalaot ka na sa mundo, at ie-evaluate ka ng iba. Sasalain ka, pupunahin, ikukumpara lagi sa iba pa. Mag-e-expect sila ng kung anu-ano mula sa’yo, na karamihan naman ay hindi na reasonable. Kung anu-ano ang gagawin sa’yo ng mundo upang ipakita lagi sa’yo na you don’t measure up, kulang ka.

“Hayaan mo sila. Just keep working hard. Ipaglaban mo ang mga pangarap mo. Hindi baleng mabigo ka na ipinaglalaban ang mga pangarap mo, kaysa nabigo ka nang hindi man lamang dahil sa mga ito.

“At kahit mabigo ka, huwag kang mag-alala. Hindi iyan ang sukatan ng worth mo bilang tao. Hindi mo kailangang maging perpekto. Hindi mo kailangang labanan ang sarili mo, o pantayan ang iba. You are never worthless. Just be yourself. Langoy lang nang langoy, lipad lang.

“Bawat graduation ay pag-iwan, kaya lumayas ka, putulin mo ang tali, iwanan mo ang nakagawian, pumalaot ka. Huwag kang matakot magkamali. ‘Di baleng malunod. ‘Di baleng mahulog. Kapag bumagsak ka, doon mo mas mahahanap ang sarili mo. Sa paulit-ulit na pagkabigo ay mas matututo ka. Para kang sinusulat na nobela na kailangang paulit-ulit na i-revise. Hanggang sa kuminang.

“Bata pa ay may inferiority complex na ako. Maaga akong naulila, sakitin, clumsy at makakalimutin, walang sense of direction. Kanina nga nang papunta kami dito nina Chanda (Romero), tapos ang d a m i - dami kong nakitang graduates—ngayon lang ako nakakita ng ganito kadaming graduates, ang gulu-gulo ng sitwasyon—sabi ko sa assistant kong si Jerry, siguraduhin n’yo ‘yung papasukan nating hall, baka mamaya mag-speech ako sa maling graduation. At ang sagot ni Chanda do’n, ‘Oo nga, Ricky, I won’t be surprised kung gawin mo ‘yun!’ Kasi up to now I make that mistake. I enter the wrong car.

“So may inferiority complex ako bata pa. Weird ang tingin nila sa akin. Lagi kong ikinukumpara ang sarili sa iba. Ba’t ang dami nilang nagagawa na hindi ko magawa? Ano ang kulang sa akin?

“Lumaki akong laging gano’n. Kaya ang ginawa ko nagsikap ako. Nag-aral akong mabuti para maging first honor ako mula Grade 1 hanggang Fourth Year. Sa UP rin university scholar ako maski ‘di ako nakatapos. Nag-aral talaga akong mabuti para labanan ang inferiority complex ko.

“Later on ko na lang natutunan, na kung saan ka mahina, kung anuman ang mga depekto mo, balang araw iyon din ang magiging strength mo. Kasi ang strength, kapag nanggaling sa depekto, mas matibay. Dahil nakita mo ang ibaba, mas naiintindihan mo ang itaas. Dahil nanggaling ka sa dilim, mas natatanggap mo na ang buhay ay hindi puro liwanag.

“Kung nasaan man ako ngayon, kung anumang tagumpay ang meron ako ngayon, matatag ang kinatatayuan ko kasi nakatuntong ako sa isang bundok ng mga pagkakamali at mga pagkabigo.

“Ang buhay na hindi inilaan sa kapakanan ng iba ay parang lantang gulay o bilasang isda na walang nakinabang. Huwag kang kuripot. Ibigay mo ang buhay mo sa iba, maski na paminsan-minsan lang. Pumunta ka sa mga bukid, sa mga minahan, sa mga bundok, sa mga batang lansangan, sa mga home for the aged, sa mga inulila ng digmaan. Magtanong ka kung anong maitutulong mo.

“Magkaroon ka ng boses. Ng opinyon. Mundo mo ito. ‘Di ka parang hanging nagdaan lang. Mag-iwan ka ng marka.

“‘Yang hawak mong diploma, para ‘yan sa iba, hindi ‘yan para sa’yo.”

Nagpasalamat din si Ricky sa lahat ng taong nakatulong sa kanya habang nag-aaral siya at nagtatrabaho, gayundin sa mga ngatapos sa unibersidad ngayong taon, at maging sa PUP sa pagkakaloob sa kanya ng karangalan.

Sa huli, nag-iwan siya ng mensahe sa mga bagong PUP graduates:

“Kaya ngayon sa pagtatapos n’yo, go out, celebrate, work hard para makumpleto ang silya, make mistakes, makisangkot ka, vote wisely. Hindi lang ‘yun para sa kinabukasan natin kundi kinabukasan din ng mga magiging anak n’yo.

“Ipaglaban mo ang mga karapatan mo, write a story, hug your parents. Nagpagod silang lahat para mapa-graduate kayo….So hug your parents, listen to somebody else’s heartbeat, join a rally, donate to a cause, support your friend’s dream, listen to the silence in the midst of chaos, persevere.

“Mangarap ka at habulin mo ang mga pangarap mo na halos hindi ka na makahinga at sabihin mo sa sarili mo, ako ito, graduate na ako at handa na ako.

“Hawak mo ang sarili mo. Hawak mo ang buhay mo. Iyan ang totoong diploma.”

-Ador V. Saluta