INIHAYAG ng International Boxing Federation (IBF) na si IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas ng Pilipinas ang tatanggap ng pinakamataas na karangalan para sa tatlong matagumpay na depensa noong 2018 sa Annual Awards Banquet sa pagsasara ng 36thAnnual Convention sa Wynn Palace Cotia sa Macau, China sa Mayo 30, 2019.
Ayon sa IBF, napili nito si Ancajas dahil sa matagumpay na depensa kina Mexican Israel Gonzalez noong Pebrero 3, 2018 via 10th round TKO, Jonas Sultan ng Pilipinas noong Mayo 26, 2018 via 12-round unanimous decision at pagtabla kay Mexican Alejandro Santiago Barrios noong Setyembre 28, 2018 sa mga sagupaang pawang ginanap sa United States.
“The organization’s highest honor, the Jersey Joe Walcott Award, will go to Jerwin Ancajas. Having recently made his seventh successful defense of his IBF junior bantamweight title, Ancajas’ success in the ring has earned him this recognition,” ayon sa ulat ng Fightnews.com. “Ancajas earned his IBF title in September of 2016 beating McJoe Arroyo of Puerto Rico for the title.”
Sa kanyang huling depensa nitong nakaraang Mayo 4 sa Stockton Arena, Stockton, California sa US pa rin, tinalo niya si No. 1 at mandatory contender Ryoichi Funai ng Japan via 7th round KO upang matagumpay na maidepensa ang kanyang korona sa ikapitong pagkakataon.
-Gilbert Espeña