NAGPATAWAG ng press conference si Senate President Tito Sotto sa Senado nitong Miyerkules ng umaga. Ipinakita niya na kabulaanan “Ang Tunay na Narcolist”, na inilabas ni “Bikoy” na nag-viral sa social media.
Si Bikoy, na lumantad sa opisina ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), ay si Peter Joemel Advincula na nagsangkot sa pamilya at kaalyado ni Pangulong Duterte sa ilegal drug trade.
Ayon kay Sen. Sotto, noong Setyembre 2016 nang siya ay majority floor leader ng Senado, lumapit na sa kanya si Advincula sa pamamagitan ng emisaryo dahil nakapiit ito sa Muntinlupa. Mayroon daw itong ibinigay na impormasyon sa kanya hinggil sa drug syndicate at mga taong sangkot dito. Hindi umano niya pinatulan ito dahil sa affidavit at mga dokumentong isinumite sa kanya, idinawit niya sina dating Pangulong Noynoy, dating DILG Sec. Mar Roxas, dating Executive Secretary Paquito Ochoa, dating Justice Secretary Leila de Lima at ang kanyang bodyguard. Kasama rin sa kanyang mga idinawit ang Quandrangle Group sa Bicol Region. Kabilang sa mga dokumentong isinumite kay Sotto ang listahan ng mga bank accounts kung saan idineposito ang mga narco money.
Sa kanyang press conference sa opisina ng IBP, sa binasa niyang preparadong pahayag, inulit niya ang mga alegasyon sa video na ang anak ng Pangulo na si Paolo Duterte, manugang na si Maneses Carpio at si dating Presidential Assistant Christopher “Bong” Go ay miyembro ng illegal drug syndicate, na kumita ng milyun-milyong narco money. Kaya sabi ni Sen. Sotto, ang ipinalit sa nauna niyang affidavit na nag-uugnay sa grupo ni dating Pangulong Noynoy ay ang pamilya ni Pangulong Duterte sa kanyang video, na inulit niya sa kanyang press conference sa IBP. Binago lang ang mga bangko at numero ng mga bank accounts kung saan umano idineposito ang narco money.
Pinayuhan ni Sen. Ping Lacson ang IBP na mag-ingat sa pagtulong kay Advincula baka maakusahan ito ng pamumulitika, na ikasisira ng kredebilidad nito. Ganito rin ang payo ni Senate President Sotto. Ang problema, kung paniniwalaan si Sotto, 2016 pa lang ay tangan na niya ang affidavit ni Advincula at iba pang dokumento hinggil sa sindikato ng droga at mga taong sangkot dito. Nang tanungin siya ng mamamahayag kung bakit ngayon lang niya inilabas ito gayong lumabas na ang Bikoy video na nag-viral na sa social media. Aniya, ngayon niya lang nalaman ito dahil hindi naman niya alam ang Bikoy video. Kapani-paniwala ba itong katwirang ito ni Sotto? Eh, halos araw-araw ay laman ng pahayagan ang nilalaman ng video dahil si Pangulong Duterte mismo at ang kanyang pamilya ang isinasangkot sa sindikato ng droga. Si Sotto ang namumulitika lalo na kung isasaalang-alang na malapit na ang halalan nang ilabas niya ang mga dokumento na matagal nang nasa kanyang pag-iingat. Kung sakali mang manalo ang mga kandidatong ikinakampanya ng Pangulo, nakasisiguro siya ng suporta sa mga ito para manatili sa pagkapangulo ng Senado. Sa administrasyong Duterte na pangkaraniwan na ang pagpapakalat ng fake news at hyperbole, it got the dose of its own medicine.
-Ric Valmonte