Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

7:00 n.h. -- San Miguel vs Magnolia

LAGABLAB na tapatan ang tiyak na matutunghayan ngayon sa pag-uunahang makamit ang bentahe para sa inaasam na kampeonato sa pagitan ng San Miguel at Magnolia sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Philippine Cup best-of-7 finals series.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ganap na 7:00 ngayong gabi, muling paparada ang Beermen at Hotshots para sa Game 5 ng serye sa Araneta Coliseum. Naitabla ng Beermen ang serye sa 2-2 matapos ang 114-98 panalo sa Game 4 nitong Miyerkules.

Pinatunayan ni Junemar Fajardo na karapat-dapat siya sa natanggap na record 6th straight Philippine Cup Best Player of the Conference award nang dominahin nito ang laro sa itinala nyang 31-puntos na tinampukan ng 13-of-14 shooting bukod pa sa 14 rebounds.

Ngunit, sa kabila nito, kabuuang team effort na muli nyang inaasahang ipapakita ng Beermen ang susi ng kanilang panalo para kay coach Leo Austria.

“It’s a team effort, everybody was so focused, even the players on the bench were cheering as they knew the importance of this game. This was a turning point because had we lost, we’d be in trouble (1-3),” pahayag ni Austria.

“This is the kind of game we’re looking for from the team. From start to finish, they sustained the energy,” aniya.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni coach Chito Victolero na kinakailangan nilang ituon ang focus nila sa pangunahin nilang panlaban na walang iba kundi dumipensa.

“Hindi talaga kami pwedeng makipagsabayan sa kanila sa opensa. It’s a matter of defensive mindset na hindi namin nadala last time,” ani Victolero.

-Marivic Awitan