Taxi na motorsiklo? Puwede ka na uling um-Angkas next month.

ANGKAS Bikers gathered together at the office of Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) in Quezon City,  December 12, 2017  in support of the regulation of motorcycle-hailing app

(kuha ni Kevin Tristan Espiritu)

Inaasahang magsisimula na sa Hunyo ang pilot implementation sa bansa ng mga motorcycle taxi na Angkas.

Ito ang kinumpirma ng Department of Transportation (DOTr), matapos itong aprubahan ni Secretary Arthur Tugade, base sa rekomendasyon ng Technical Working Group (TWG), na binubuo ng mga kinatawan mula sa DOTr, Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Senado, Kongreso, commuter welfare groups, road safety advocates, motorcycle manufacturers, motorcycle organizations, at law schools.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa DOTr, nilagdaan na ni Tugade ang General Guidelines sa pilot implementation, kasunod ng pagpapatupad ng akmang public awareness campaign.

Magtatagal umano ng anim na buwan ang pilot implementation, na sasaklawin ang Metro Manila at Metro Cebu.

Nabatid na nakapaloob sa general guidelines para sa pilot implementation ang ilang safety requirements para sa motorcycle taxi driver at pasahero, kabilang dito ang pagsusuot ng safety gear na naaayon sa batas katulad ng helmet, reflectorized vest, at vest-based strap o belt; pagsunod sa speed limit na 60 kilometers per hour; pagtiyak sa maayos na kondisyon ng motorsiklo; at pagsusuot ng akmang uniporme ng mga driver.

Hindi rin dapat hihigit sa 10 oras kada araw ang pagbiyahe ng mga rider, at kinakailangan ring may accident insurance ang motorcycle taxi, sa halagang pareho o mas mataas pa sa singil ng Passenger Personal Accident Insurance Program (PPAIP).

Sinabi rin ng DOTr na sa pilot implementation sa Metro Manila, aabot sa P50 ang singil sa unang dalawang kilometrong biyahe; P10/km hanggang pitong kilometro; at P15 para sa mga susunod pang kilometro.

Dahil “dynamic” umano ang singilan, batay sa supply at demand, magpapataw ng 1.5x cap sa surge o pag-akyat ng singil.

Para naman sa Metro Cebu, P20 ang singil sa unang kilometro; P16/km hanggang walong kilometro; at P20/km sa mga destinasyong lampas sa walong kilometro.

May kapangyarihan naman umano ang LTFRB na repasuhin at rebisahin ang surge cap.

Ang naturang pilot implementation ay inaasahang lalahukan ng 27,000 riders sa Metro Manila at Metro Cebu.

Nabatid na ang isasagawang pilot implementation ng motorcycle taxi operations ang magsisilbing batayan ng mga panukalang batas sa Kongreso, kabilang na ang Senate Bill No. 2180 ni Sen. JV Ejercito, kaugnay ng regulasyon ng motorcycle taxi industry sa bansa.

-Mary Ann Santiago