NEGATIBO ang resulta ng drug test ni Aiko Melendez sa isang klinika sa Banicain, Olongapo City, nitong Mayo 4, 2019, sa ganap na 3:59 ng hapon.
Ipinadala sa amin ni Aiko ang resulta ng drug test para patunayan na walang droga sa katawan niya, at ni minsan ay hindi siya tumikim nito. Kaya naman galit ang naramdaman niya nang isangkot umano siya sa droga ni incumbent Zambales Vice Governor Angelica Magsaysay-Cheng.
Ang bise gobernador ang katunggali ng boyfriend ni Aiko na si Subic Mayor Jay Khonghun sa pagka-bise gobernador ng lalawigan.
Sa loob ng 30 years ni Aiko sa showbiz, ni minsan ay hindi siya nasangkot sa ipinagbabawal na gamot, kaya ang sama-sama ng loob niya nang ipangalandakan umano ng opisyal sa campaign sortie nito na sangkot siya sa droga, dahil nasa narco-list daw ang boyfriend niyang si Mayor Jay.
“May van ‘yan na umiikot sa buong Zambales. May LED silang malaki. Pine-play ‘yung video na may picture ko na may nakalagay na sangkot sa droga,” seryosong sabi ni Aiko.
Kaya nitong Martes ay nagsampa ng kasong libelo si Aiko laban sa bise gobernador sa sala ni Associate Provincial Prosecutor Ritchie John Distor Bolano, provincial fiscal RTC, Olongapo City, kasama ang legal counsel niyang si Atty. Carlo Bonifacio Alentajan.
Pagkatapos mag-file ay nakatsikahan ng ilang miyembro ng entertainment media at bloggers si Aiko para hingan ng karagdagdang kuwento kung bakit sa pagkakataong ito ay naghabla siya.
“Sa thirty years ko naman sa show business, never naman akong na-involved sa ganitong usapin. That’s why I’m fighting for this, especially for my children’s sake.
“Gusto ko rin maturuan ng leksiyon ‘yung mga taong dapat turuan ng leksiyon. Kung kaya mong gawin ‘to sa isang tulad kong artista, paano pa kaya ‘yung ordinaryong tao?”
Tinanong namin kung unang beses siyang nagdemanda sa loob ng 30 years niya sa showbiz.
“Yes, first time kong magdemanda in thirty years. Kasi, wala naman akong (kaso) wala naman akong nakakaaway. Ang kaso ko lang, annulment!” natawang sabi ng aktres, na ang tinutukoy ay ang kasal nila ni Jomari Yllana.
Inalam namin kung open si Aiko sa amicable settlement.
“I don’t know, for now, I am not open for anything. I want her to pay for what she did,” aniya.
Kung mananalo si Mayor Jay sa pagka-bise gobernador ng Zambales, posible bang mawala na ang galit ni Aiko sa bise gobernador?
“Walang kinalaman si Jay sa kaso ko, so manalo siya o hindi, tuloy ang laban. Hindi ko siya mapapatawad sa ngayon. Pasensiya na, tao lang din ako. Pero at this point in time, hindi ko kaya.
“Magiging plastic lang ako kung sasabihin ko na, I’m a Christian, magpapatawad ako. No, she has to pay for what she did,” diretsahang sabi ng aktres.
Ayon kay Aiko, kung sa ibang isyu siya isinangkot ay okay lang, at kung may kasalanan talaga siya ay hihingi siya ng dispensa.
“Sa akin, okay lang ‘yung iba. Pero ito, ‘yung illegal substance, foul na ‘to, eh. At saka, malinis ang konsensiya ko.
“Kapag mali ako, nagsu-sorry ako. Pero at this point in time, tama ako. Ipaglalaban ko ‘to, parang sobra-sobra na. Kung tatahimik pa rin ako hanggang ngayon, sobrang aping-api naman na ako,” pahayag pa ni Aiko.
Ano ang mensahe ni Aiko kay Vice Gov. Cheng? “Binabastos mo na nga ako sa buong Zambales, sa Subic, sa Olongapo, sa lahat ng ano, ia-allow ko pa ba na bastusin mo ako sa lahat na lang ng venue ng mundo? I’m not gonna allow that, sobra na. Sobra na talaga. Kaya, pasensiya na, tao lang din ako. May karapatan akong kailangan kong ipaglaban.”
Dagdag naman ng abogado ni Aiko na si Atty. Carlo: “We will just let the justice system work for justice.
“She’s (Aiko) a mother, she’s a woman like most of you. Of course, she has hurt feelings. How would her children see her, how would other people look at her now with these malicious implication? It was totally unfair and illegal for this to be done against Aiko’s person. Everybody will get hurt that’s why we’re seeking justice.
“We believe we have a strong case. We have our evidences and we will let justice take its course.”
As of now ay nananatiling nasa Zambales si Aiko para suportahan ang boyfriend niyang si Mayor Jay. Pero babalik ng Maynila ang aktres para bumoto sa Lunes, Mayo 13.
-REGGEE BONOAN